196 total views
Pinangunahan ng Simbahang Katolika ang isang National Conference on Zika Virus; “Filipino Communities Uniting Against Zika Virus,” upang palakasin ang kahandaan ng mga komunidad laban sa lamok na nagdadala ng karamdaman.
Ayon kay Rev. Fr. Dan Cancino, MI – Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Healthcare, bilang bahagi ng pagdiriwang ng Simbahan ng Year of the Parish as Communion of Communities, layon ng conference na pagbuklurin ang mga parokya at mga komunidad para sama-samang protektahan ang kalusugan ng bawat isa.
Dagdag pa ng Pari, ang pagkakaisang ito ng sambayanan, ay tanda rin ng pagsunod sa bawat misyon na itinuro ng Panginoong Hesukristo.
“Alam naman natin na ito ay isang babala, isang kumakalat na sakit sa ating bansa at hindi lang dito, pandaigdigan din kaya tayo ay sama-sama bilang mga komunidad na labanan ang ating kinakaharap na Zika Virus. Protektahan natin ang ating mga komunidad, mag-participate po tayo, dahil sa ating participation, ito ang misyon ng bawat sumusunod sa ating Panginoong Hesukristo,” pahayag ni Fr. Cancino.
Samantala, binigyang diin ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Epicopal Commission on the Laity at Novaliches Bishop emeritus Teodoro Bacani na ang malinis kapaligiran ay tugon sa paglaganap ng Zika virus http://www.veritas846.ph/malinis-na-kapaligiran-tugon-sa-zika-virus/ na layunin rin ng Basic Ecclesial Communities na pangalagaan ang welfare ng buong komunidad.
“Bahagi po ng BEC ay pangalagaan ang community at isang danger sa community ay yung mga sakit tulad ng Zika Virus at yung Dengue kaya dapat yan ay i-discuss din ng mga BEC paano ba maaalagaan ang komunidad,” pahayag ni Bishop Pabillo.
Iginiit ng Obispo na walang ibang paraan upang masugpo ang Zika Virus, kundi sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran upang walang mapamugaran ang mga lamok na nagdadala ng karamdaman.
Binigyang diin rin ni Bishop Pabillo na kinakailangang maging maagap ang mga tao sa isang komunidad at bantayan ang isa’t isa upang matiyak na mabibigyan ng kaukulang lunas ang mga magkakaroon ng karamdaman. Una sa lahat yung mga pinupugaran ng lamok dapat maging malinis yung kanilang community at pangalawa kailangan din nilang malaman kung may mga taong may sakit d’yan, they should call the attention of the DOH, at dapat ipagamot na, at dalhin sa ospital,” dagdag ng Obispo.
Ang National Conference on Zika Virus, ay tugon sa panawagan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle – Presidente ng Caritas Internationalis sa mga parokya, institusyon, paaralan at komunidad na makiiisa sa kampanya ng Department of Health para labanan ang pagkalat ng Zika virus.
Nauna rito, inilabas ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang isang pastoral guidelines kontra Zika virus. http://www.veritas846.ph/zika-alert-sa-undas/.
Sa bagong ulat ng DOH umabot na sa 39 ang kaso ng Zika Virus sa Pilipinas, at batay sa World Health Organization, ang Pilipinas ay nauuri sa Category 2 kung saan mataas ang posibilidad na ang Zika Virus ay endemic o locally-transmitted.