372 total views
Hindi ko maiwasang umindak sa awiting "kumukuti-kutitap, bumubusi-busilak" tuwing makakakita ng mga parol nakasabit sa mga binatana, binebenta sa kalsada kahit malayo pa ang Pasko.
Ang mga parol ay tulad ng pastol umaakay sa atin sa gitna ng dilim hatid ay liwanag at galak upang matunton at marating Sanggol na sumilang sa sabsaban habang mundo ay balot sa kasamaan upang tayo ay tubusin sa ating mga kasalanan.
Makukulay, puno ng sigla alalaong-baga, buhay na buhay itong mga parol at iba pang mga palamuti hatid ay hindi lamang ngiti sa labi kungdi tuwa at kagalakan sa puso at kalooban isang taon na naman matatagpusan kahit COVID-19 kayang lampasan!
Katulad ng mga bituin at tala mga parol at palamuti ng Kapaskuhan matutunghayan lamang sa gitna ng malaking kadiliman kagaya sa ating buhay kung kailan mayroong kapighatian at lahat ay nalalabuan, doon naman nagiging maliwanag at makulay ang lahat!
Isang kabalintunaang tunay ganda at busilak ng mga parol sa atin nagpapastol tungo sa liwanag ng kinabukasan; sana manatiling nagningning liwanag ni Kristo sa puso at kalooban natin.
Aking dasal at hiling ngayong Paskong darating sana matapos na itong COVID-19; matularan sana natin mga parol magpastol sa kawan, huwag silang maligaw sa kadiliman ng mga mapanlinlang tanging Diyos ang maging sandigan.