218 total views
Masakit pa rin sa mga pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre ang pangyayari lalo na at pitong taon na ang nakakalipas ngayong araw, wala pa ring katarungang nakakamit.
Ayon kay Maguindanao governor Esmael “Toto” Mangudadatu, patuloy pa rin silang umaasa kaya’t nanawagan ito sa mga hukom na humahawak ng kaso na magsagawa ng ‘partial judgment’.
Pahayag ni Mangudadatu, malakas ang mga ebidensiya laban sa mga akusado kaya’t maari na maglabas ng paunang desisyon upang makamit ang katarungan.
“Talagang masakit malungkot at patuloy na inaasam-asam ang mailap na hustisya na hinahangad namin na balang araw ay makukuha namin.
Kahit magkaroon sana ng partial judgment mula sa mga hukom, ang akin lamang kung may natapos na at malakas naman ang ebidensiya laban sa mga pangunahing suspek bakit hindi sila mag partial judgment,” pahayag ni Mangudadatu sa panayam ng Radio Veritas.
Nasa 26 mula sa 58 na biktima ng Maguindanao massacre ang kapamilya ni governor Mangudadatu kabilang na ang kanyang asawa at mga kapatid.
Tatlumpu’t dalawa naman sa mga biktima ay mga mamamahayag.
Sa 197 na orihinal na akusado 15 dito mga mga Ampatuan, 114 na ang naaresto. Kabuuang 112 na mga akusado naman ang binasahan ng sakdal, habang apat naman sa kanila, kabilang na si Andal Ampatuan Sr. ang namatya sa sakit habang nakakulong.
Una ng nanawagan si Ozamiz Bishop Martin Jumoad ng katarungan na dapat ipagkaloob sa mga biktima ng krimen at pagdusahan naman ng mga akusado ang karampatang parusa na ipapataw sa kanila ng batas.