27,734 total views
Tiniyak ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang lalong pagpapaigting sa kamalayan at aktibong partisipasyon ng layko sa mga usaping panlipunan sa bansa.
Ito ang ibinahagi ni LAIKO National President Francisco Xavier Padilla sa mga nakahanay na gawain ng implementing arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity bilang paghahanda na rin sa ika-75 anibersaryo nito sa susunod na taon.
Ayon kay Padilla,puspusang isusulong ng SLP ang pagpukaw sa kamalayan ng mga layko sa mahalagang papel na kanilang ginagampanan hindi lamang sa Simbahan kundi maging sa lipunan.
Sinabi ni Padilla na sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-75 anibersaryo ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay layunin nitong higit na maisakatuparan ang mandato nitong gabayan ang bawat binyagan na magkaroon ng tapang at paninindigan sa iba’t ibang usaping panlipunan.
“Next year is the 75th year of LAIKO… and one of the things that we want to celebrate when we celebrate our 75th year next year is to really be able to say that the laity of the church are empowered, that the laity of the church are active, they keep saying that laity is a sleeping giant, that we are quiet and we don’t do anything. So one of our goals of the LAIKO this year until next year is to really awaken the laity, to make us have a voice, to make us really serve the church in whatever capacity we can do.” Bahagi ng pahayag ni Padilla.
Tinututukan ng Sangguniang Laiko sa Pilipinas ang pagtutol at pagbabantay sa mga isinusulong na DEATH Bills partikular na ang pagsasabatas ng same sex marriage, aborsyon at diborsyo sa Pilipinas.
Isinagawa din ng SLP noong June 20, 2024 ang KAPASAN – Simbahan para sa May Kapansanan ‘PWD and Faith – Simbahan para sa lahat Workshop’ na naglalayong bigyang halaga ang pagiging kasapi ng mga may kapansanan sa lipunan at matugunan ang kanilang pangangailangan.
Ang mga layko ay ang mga binyagan na hindi naordinahan o kabilang sa mga religious congregation na tinatayang bumubuo sa 99.99% ng mga Katoliko sa buong bansa.
Ang Sangguniang Laiko ng Pilipinas ay ang nagsisilbing implementing-arm ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity na binubuo ng higit sa 50-organisasyon ng Simbahan at mga council of the laity mula sa 86 na diyosesis at arkidiyosesis sa buong bansa na kasalukuyang pinamumunuan ni Dipolog Bishop Severo Caermare.