2,963 total views
Tiniyak ng pamunuan ng Quezon City ang pagpapaigting sa ugnayan ng simbahan.
Ayon kay Mayor Joy Belmonte, mahalagang katuwang ang simbahan sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaan upang makamit ang mga layuning maiangat ang antas ng kabuhayan ng nasasakupang mamamayan.
Ito ang mensahe ng alkalde sa katatapos na pagdiriwang ng kapistahan ng Our Lady of the Holy Rosary La Naval de Manila kung saan magkatuwang ang QC LGU at pamunuan ng National Shrine of Our Lady of the Holy Rosary, La Naval o Santo Domingo Church sa mga gawain kasabay ng paggunita sa ika – 50 anibersaryo ng deklarasyon ng pagiging patrona ng lungsod.
Kinilala ni Belmonte ang tungkulin ng simbahan sa paghuhubog at pagpatupad ng mga programa sa kapakinabangan ng pamayanan.
“I really wanted to have a very close relationship between City Government and the Church because we recognize the importance of the Church in helping the City with its various advocacies, lalong lalo na yung mga adbokasiya patungkol sa pag-angat ng antas ng kabuhayan ng ating mga mamamayan.” pahayag ni Belmonte sa panayam ng Radio Veritas.
Itinampok sa kapistahan ng La Naval ngayong taon ang pagsagawa ng El Recorrido de la Virgen kung saan inilibot ang pilgrim image ng La Naval sa anim ba distrito ng Quezon City.
Batid ni Belmonte na sa paglibot sa imahe ay higit pang nakilala ng mga residente ang patrona ng lungsod na unang idineklara sa pamamagitan ng resolusyong ipinasa ng konseho noong 1973 na pinagtibay naman ni St. Pope Paul VI noong 1974.
Pag-aaralan din ng pamahalaang lungsod at Santo Domingo Church ang taunang pagsasagawa ng El Recorrido de la Virgen upang higit pang makilala patron gayundin ang pagbubuklod ng mamamayan.
“Sa pagbisita at pagkot ng pilgrim image sa tingin ko, maganda ito kasi it builds a culture of unity sa ating Quezon City community.” ani Belmonte.
Tiniyak naman ni Bro. Mark de la Pena, OP, ang head ng AdHoc Committee ng kapistahan na mas paigtingin ng mga Dominican ang pagpapalaganap ng debosyon sa Mahal na Ina ng Santo Rosaryo.
“Pwede pong gawin na para mapalaganap pa ang debosyon sa Mahal na Ina ay ipaglibot po ang natin ang kanyang imahe, at sa paglilibot ay mamahagi tayo ng mga prayers, stampita, rosaries, at ang pag-consecrate sa lugar na kanyang bibisitahin.” pahayag ni de la Pena.
Sa kapistahan ng Birhen ng La Naval noong October 8 ay pinangunahan ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco ang banal na misa na sinundan ng grand procession na dinaluhan ng daang-daang deboto.