572 total views
Itinuring ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo na malubha ang kalagayang pangkatarungan ng Pilipinas makaraang bawiin ng sinasabing druglord na si Kerwin Espinosa ang mga paratang laban kay Senator Leila De Lima.
Ikinalungkot ng obispo na biktima ng kawalang katarungan si de Lima na isang halal na mambabatas ng bansa.
“This is a grave injustice to the senator and to the Filipino people. She was not able to properly serve the mandate given her by the people because of this injustice,” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
Kamakailan ay binawi ni Espinosa makalipas ang limang taon ang alegasyong nag-uugnay sa mambabatas sa kalakalan ng iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison.
Sa counter-affidavit ni Espinosa na isinumite sa Department of Justice sinabi nitong walang katotohanan ang mga alegasyon laban kay de Lima at bunga lamang ito ng pamimilit, pananakot at banta sa seguridad ng buong pamilya.
Isinasaad din sa affidavit ni Espinosa ang paghingi ng paumanhin sa senadora.
Pinasalamatan naman ni Bishop Pabillo ang kabaang loob ni Espinosa na ihayag ang katotohanan at iwasto ang mga maling paratang.
“I thank Kerwin Espinosa for following his conscience in recanting,” ani Bishop Pabillo.
Samantala ipinaubaya naman ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa korte ang implikasyon ng pagbawi ng mga pahayag ni Espinosa.
Sa hiwalay na pahayag ng DOJ sinabi nitong hindi kabilang si Espinosa sa tatlong saksi na ipresenta sa pagdinig ng kaso ni de Lima sa May 16.
Noong Pebrero inalis ng DOJ si Espinosa sa Witness Protection Program (WPP) nang tangka itong tumakas sa piitan ng National Bureau of Investigation (NBI).
Umaasa naman si Bishop Pabillo na lalabas ang katotohanan at mananaig ang katarungan sa lipunan habang pananagutin ang mga sangkot sa kawalang katarungan.
“There should be a thorough investigation against those in authority who are behind this injustice,” giit ni Bishop Pabillo.