152 total views
Nararapat ring maparusahan ang mga Filipino recruiters ni Overseas Filipino Worker Joanna Demafelis na pinaslang ng employer sa Kuwait.
Ito ang panawagan sa pamahalaan ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng CBCP- Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People kasunod ng pagpapataw ng parusang kamatayan ng bansang Kuwait sa mag-asawang amo ni Demafelis na sina Nader Essam Assaf at Mona Hassoun.
“Now as guilty were sentenced, let us not forget those who sent, placed Joanna to Kuwait. They, the Filipino recruiters of Joanna, should also be prosecuted and justice be served.” pahayag ni Balanga Bishop Ruperto Santos sa Radio Veritas
Ayon sa Obispo, ang naging tugon ng Kuwait sa pagpapataw ng kaparusahan sa mag-asawang employer ni Joanna ay pagpapakita ng katapatan at kagustuhan ng pamahalaan ng Kuwait na mabigyang katarungan ang pagkamatay ng OFW at maprotektahan ang karapatang pantao maging ng mga dayuhang manggagawa sa bansa.
Dahil dito, umaasa si Bishop Santos na hindi na muling maulit pa ang marahas na sinapit nI Demafelis sa iba pang mga dayuhang manggagawa sa Kuwait at ganap nang maprotektahan at kilalanin ang mga karapatan at dangal ng mga OFW sa naturang bansa.
“It shows sincerity and seriousness of Kuwait to correct a wrong, to serve justice and to defend human rights. We hope that the case of Joanna will be last, and rights and dignity our OFWs will be protected and respected there in Kuwait.” Apela ni Bishop Ruperto Santos.
Tiniyak rin ng Obispo ang patuloy na pananalangin hindi lamang para sa ikapapayapa ng kaluluwa ni Joanna kundi maging para sa katatagan at paghilom ng damdamin ng pamilya Demafelis sa pagkakaroon ng katarungan sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay.
“We share in the sorrow and sufferings of the family of Joanna. We are one with you in prayers and our celebration of holy masses. With God’s divine justice Joanna is resting now with Him in Heaven. With God’s mercy there will be healing. Continue to trust God all the more. God is our hope. He helps us always.” Dagdag pa ni Bishop Santos.
Samantala, nilinaw naman ni Bishop Santos na sa kabila ng pagpupunyagi sa pagpapataw ng Kuwait ng kaparusahan sa mag-asawang employer na pumaslang kay Joanna Demafelis ay nananatiling hindi sang-ayon ang Simbahan sa pagpapataw ng parusang kamatayan sapagkat hindi na mabibigyan ng pagkakataon ang mga ito ng ganap na magsisi sa kanilang nagawang kasalanan.
May 2014 nang nagtungo si Joanna Demafelis sa Kuwait upang magtrabaho bilang Domestic Helper ngunit noong Pebrero ay natagpuan ang kanyang bangkay sa loob ng isang freezer sa isang abandunadong apartment.
Sa tala, mayroong higit sa 250,000 ang mga manggagawang Filipino sa Kuwait kung saan may 1,700 na manggagawa ang umuwi sa isinagawang repatriation program ng Pangulong Duterte.