458 total views
Usigin, panagutin at parusahan ang lahat ng sangkot sa war on drugs ng PDU30.
Ito ang patuloy na panawagan sa International Criminal Court (ICC) ng Rise Up for Life and for Rights na binubuo ng mga pamilya ng biktima ng War on Drugs ng nakalipas na administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Ayon sa grupo, mahalagang ipagpatuloy ng Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon kaugnay sa madugong War on Drugs upang maisiwalat ang katotohanan sa likod ng malawakan at sistematikong pagpaslang sa maraming mahihirap na naparatangang sangkot sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
“Nais naming ipahayag sa Pre-Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) na karapat dapat lang maipagpatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng war on drugs upang maisiwalat ang totoong malawakan at sistematikong pagpaslang sa maraming mahihirap sa mga taon ng pamumuno ni Rodrigo Duterte,” panawagan ng Rise Up for Life and for Rights sa ICC.
Nanindigan ang pamilya ng mga biktima ng War on Drugs na hindi gawa-gawang kuwento lamang ang sinapit na karahasan ng kanilang mga mahal sa buhay na basta pinatay at hindi man lang nabigyan ng pagkakataon na maipagtanggol ang kanilang sarili ng naaauyon sa proseso ng batas.
Pagbabahagi ng grupo na walang anumang suporta o resulta ng ginawang imbestigasyon ng pamahalaan ang kanilang natanggap kaugnay sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay.
“Wala kaming naasahang suporta o resulta sa ginawang imbestigasyon ng gobyerno o ng kinauukulan para sa mga mahal namin sa buhay na pinaslang. Kahit kailan hindi sila nakipag usap o nagbigay ng mga detalye sa aming mga pamilya ng biktima para sa pag usad ng imbestigasyon kung meron man silang ginawa. Wala isa man sa aming pamilya na biktima ng war on drugs ang naging bahagi ng kanilang imbestigasyon,” dagdag pa ng pamilya ng mga biktima ng War on Drugs.
Tiniyak rin ng grupo ang patuloy na pakikipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) sa pamamagitan ng paglagda sa victims participation and reparations section o VPRS ng ICC kasabay ng patuloy na pangangalap ng mga kinakailangang ebidensya at pahayag sa marahas na polisiya ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Iginiit ng grupo na dapat maparusahan ang lahat ng mga sangkot sa malawakang pagpaslang sa ilalim ng polisiya ng administrasyong Duterte.
Sa tala ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) aabot ng halos 9 na libo katao ang nasawi sa ilalim ng War on Drugs ng administrasyong Duterte habang sa tala ng iba’t ibang human rights organizations sa Pilipinas ay sa mahigit 20-libo ang mga nasawi.