467 total views
Kinilala ng Alyansa Tigil Mina (ATM) ang desisyon ng Marinduque Regional Trial Court sang-ayon sa 30 nagsasakdal laban sa Marcopper Mining Corporation.
Hinggil ito sa naganap na mine spill noong taong 1993 na nag-iwan nang malaking pinsala sa komunidad, at itinuring bilang pinakamalubhang mining disaster na naganap sa bansa.
Ikinatuwa ng ATM na makalipas ang dalawang dekadang paghihintay ay natanggap na rin ng mga biktima ang katarungang matagal nang inaasam.
“It may have taken decades for the court to make a ruling, but we are nevertheless hopeful considering that justice is finally served to the victims of one of the worst mining disasters in the country. The decision sends an encouraging signal to communities gravely affected by mining,” pahayag ng ATM.
Binabati naman ng grupo ang mamamayan ng Marinduque sa kanilang paninindigan upang makamit ang katarungan.
Gayundin sa mga abogado at organisasyon, partikular na ang Legal Rights and Natural Reources Center (LRC) na gumabay at nanindigan para sa mga nagsasakdal sa kabila ng mga kinaharap na hamon.
Umaasa naman si LRC direct legal services coordinator Atty. Ryan Roset na ang kaso laban sa naganap na trahedya ay magsilbing babala sa mga pamayanang nagnanais pahintulutan ang mga mapaminsalang proyekto tulad ng pagmimina.
“Communities must think their decisions through for the impact of the environment can be irreversible,” ayon kay Roset.
Ginawa ni Judge Emmanuel Recalde ng Branch 38 ng Marinduque RTC ang desisyon laban sa Marcopper Mining Corporation noong Mayo 16, 2022.
Dito’y hinatulan ni Recalde ang Marcopper Mining Corporation na bayaran ang bawat isang kabilang sa 30 nagsasakdal ng P200,000 sa temperate damages at P100,000 naman sa moral damages mula sa isinampang kaso noong 2001.
Habang pinagbabayad din ng hukuman ang kumpanya ng karagdagang isang milyong piso bilang exemplary damages sa mga nagsakdal.
Magugunita noong Disyembre 6, 1993, nasira ang bahagi ng Maguila-guila dam na pagmamay-ari ng Marcopper Mining Corporation, na nagdulot ng pagbaha ng nakalalasong kemikal sa Mogpog River.
Naglabas ito ng maraming silted water na naging sanhi ng matinding pinsala sa mga ari-arian at kabuhayan, at panganib sa kalusugan ng mamamayan ng Marinduque.