537 total views
Ang Diyos lamang ang may karapatan na bumawi sa buhay na kanyang pinahiram sa bawat nilalang.
Ito ang bahagi ng pagninilay Rev. Fr. Luisito Gatdula – Rektor at Kura Paroko ng Diyosesanong Dambana at Parokya ng Nuesta Seniora de Candelaria sa Silang, Cavite sa kanyang Tinig ng Pastol online reflection sa intensyon sa pananalangin ng Kanyang Kabanalan Francisco na buwagin ang parusang kamatayan sa buong daigdig.
Ayon sa Pari, mula sa sinapupunan ay may buhay na ang isang nilalang na dapat na bigyang halaga at proteksyunan hanggang sa pagsilang at kamatayan.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Fr. Gatdula na ang parusang kamatayan ay labag sa utos at kaloob ng Diyos na buhay para sa bawat isa.
“Mula pa sa sinapupunan ng ina, ang tao ay may buhay na hanggang sa kanyang pagsilang siya ay huhubugin, siya ay palalakihin, siya ay patuloy na pauunlarin ayon sa hangarin ng Diyos at yung buhay na ayon sa kaloob ng Diyos ay buhay na marangal, buhay na dapat nating pangalagaan. Ang paglalapat ng parusang kamatayan ay labag sa utos ng Diyos. Ang buhay ay mula sa Diyos at ang Diyos lang din lamang ang may karapatan na bumawi ng buhay na kanyang pahiram.” pagninilay ni Gatdula.
Paliwanag ng Pari, hindi magiging katanggap-tanggap ang pagpapataw ng parusang kamatayan sa sinuman.
“Paano natin maija-justify na tama ang paglalapat ng parusang kamatayan hindi ba ito ay labag na labag sa kalooban ng Poong Maykapal, hindi ba ito ay ang kongkretong pagtanggi natin sa alok ng Panginoon na ang bawat isa ay makapagbagong buhay, hindi ba ang hangad niya, ang kagalakan niya tayo ay mamuhay na kapiling niya sa kanyang kaluwalhatian.” Dagdag pa ni Fr. Gatdula.
Bahagi ng natatanging intensyon sa pananalangin ng Santo Papa Francisco ngayong buwan ng Setyembre ang pagbuwag ng bawat bansa sa parusang kamatayan na direktang umaatake sa dignidad at buhay ng isang nilalang.
Itinuturing naman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care na inspirasyon ang naturang mensahe at panalangin ng Santo Papa para sa patuloy na paninindigan ng Simbahan laban sa pagbabalik ng parusang kamatayan sa bansa.
Prayer intention ng Santo Papa sa pagpapawalang bisa ng death penalty, inspirasyon sa CBCP-ECPPC