205 total views
Matutong magpasalamat at makiusap sa Diyos, sa mga Banal at sa bawat isa.
Ito ang naging bahagi ng pagninilay ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) president at Lingayen – Dagupan Archbishop Socrates Villegas ngayong ipinagdiriwang ang All Saints at All Souls Day.
Sinabi ni Archbishop Villegas magandang mapagnilayan natin ngayong mga mahahalagang araw ng ating pananampalataya ang dalawang salitang binabanggit ng mabubuting tao ang “Thank You” at “Please.”
Paliwanag ni Archbishop Villegas ngayong Araw ng mga Banal tayo ay nagpapasalamat sa presensya ng mga Santo na naging tapat na lingkod ng Diyos. Tayo rin aniya ay naninikluhod sa kanilang pamamagitan sa Panginoon at atin ring hinihiling na matularan natin ang kanilang buhay, buhay na may kabanalan.
Sa parehong pamamaraan sa pagdiriwang natin ng Araw ng mga Kaluluwa tayo rin ay nagsusumamo sa Diyos na ang ating mga kapatid na pumanaw ay tanggapin niya sa kaniyang maluwalhating kaharian sa langit.
“Ngayon sabihin natin: Lord thank you for the saints. At sasabihin naman natin sa mga Santo: Please saints, banal tulungan po ninyo kami. Bukas sasabihin natin sa Panginoon: Lord thank you. Subalit sasabihin natin sa Panginoon: Panginoon, tulungan mo kaming maging banal. Sana ang utang na loob namin sa kanila, ang pasasalamat namin sa kanila ay dagdag ninyo sa kanilang kabutihan. At hugasan ang kanilang kasalanan at ituring silang kasama ng mga banal sa kalangitan,” bahagi ng pahayag ni Archbishop Villegas sa panayam ng Veritas Patrol.
Hinimok rin niya ang mga mananampalataya na kung gaano tayo nagpapasalamat at nagsusumamo sa Diyos, sa mga banal at sa mga yumao nating mahal sa buhay ay magampanan rin natin sa ating kapwa – tao.
“Kung ito ay makakabukas sa puso ng Diyos, kung ito ay makabubukas sa puso ng mga banal. Sana ngayong araw, mangako rin tayo na daragdagan rin natin ang quota ng ating pagsasalita ng “please” at “thank you,” sa bawat isa. Sa katabi natin, sa mga buhay, sapagkat yung please at thank you ay matamis pakinggan mula sa kapwa natin na namumuhay dito sa lupa. Today let us ask the Lord for the grace of respect for one another and we will be always grateful to the Lord,” pagninilay pa ni Archbishop Villegas.
Nabatid na taunang nagdiriwang ng Banal na Misa tuwing ika – 1 ng Nobyembre si Archbishop Villegas sa Garden of Memories Memorial Park, Pateros na dinadaluhan na halos 500 mananampalataya.
Samantala, nakasaad naman sa Catechis of the Catholic Church na binubuo ang Simbahan ng tatlo nitong estado ang “Church Triumphant” o ang kinabibilangan ng mga anghel at banal, “Church Militant” na binubuo ng mga patuloy na naglalakbay sa lupa at ang “Suffering Church” ay ang mga kaluluwa sa purgatoryo na nangangailangan ng ating panalangin.