1,666 total views
Pinararangalan ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo ang mga ina sa pagdiriwang ng Mother’s Day.
Ayon sa obispo nararapat kilalanin at pasalamatan ng bawat isa ang mga ina na nagsakripisyo upang ipadama ang pag-ibig sa kabila ng panganib na kaakibat ng pagdadalang-tao.
“Sa kanila natin nararamdaman ang pag-ibig. Kahit na may pagkukulang sila sa atin – at sino ba naman ang taong walang pagkukulang – kinikilala natin na dahil sa kanila, nandito tayo. Sa pagsilang nila sa atin, itinaya nila ang kanilang buhay. Ang panganganak ay isa sa pinakamapanganib sa buhay ng isang babae.” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo.
Batid ni Bishop Pabillo na bukod sa siyam na buwang pagdadala sa sinapupunan ay mas malaki ang naging responsibilidad ng mga ina sa pag-aruga at paghubog sa mga kabataan habang lumalaki at maging ganap na bahagi ng kristiyanong pamayanan.
Tinuran nito ang pagtuturo sa mabuting asal, katesismo, pakikitungo sa kapwa at iba pang kasanayan na tanging sa mga ina nagsisimula ang pagkatuto.
Binigyang pugay din ni Bishop Pabillo ang mga inang nagtrabaho sa ibayong dagat para itaguyod ang pangangailangan ng pamilya.
Batay sa tala ng Statista Research noong 2021 nasa 60 porsyento sa Overseas Filipino Workers ang mga babae na karamihan ay nasa Middle East.
Dalangin ng obispo sa lahat ng mga ina ang katatagan at patuloy na paggabay ng Panginoon sa kanilang tungkuling arugain ang pamilya at gabayan ang mga anak sa mabuting landas tungo kay Hesukristo.