331 total views
Binigyang diin ng arsobispo ng Cebu na dapat pasalamatan ang Panginoon sa biyaya ng pamilya.
Ito ang pagninilay ni Archbishop Jose Palma sa pagdiriwang ng kapistahan ni San Jose Manggagawa at Pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ng santo.
Hiniling naman ng arsobispo na ipagdasal ang bawat isa upang maging tagapagdala at tagapagtaguyod ng misyon ng pamilya.
“If we have no chance to choose our families because we do not choose our parents nor our brothers and sisters, we can only pray that each one of us may be an instrument to bring about good in the family, renewal for the better, holiness, love and harmony,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Ipinaliwanag ng arsobispo na mahalagang dumulog kay San Jose sapagkat ito ang pinagkatiwalaan ng Diyos Ama na maging tagapangalaga ng Banal na Mag-anak dito sa mundo.
Sa panahong nahaharap ang mundo sa matinding krisis dulot ng coronavirus mahalagang pagtibayin ang samahan ng bawat pamilya upang maging matatag at magbigay pag-asa sa bawat isa.
Hinimok ni Archbishop Palma ang mananampalataya na hingin ang tulong ni San Jose sa pagpapatatag ng mga pamilya.
“We plead for his [St. Joseph] intercession to journey with us, to assist us in difficult times. We come to St. Joseph in this Act of Consecration. It is our way of saying, ‘St. Joseph, just as God has appointed you to care for the Holy Family, make us as well your family,” ani ng arsobispo.
Sa kapistahan ng santo, pinangunahan ni Catholic Bishops’ Conference of the Philippines President, Davao Archbishop Romulo Valles ang National Consecration to St.Joseph habang isang banal na misa naman ang pinangunahan ni Archbishop Pama sa National Shrine of St.Joseph sa Mandaue City, Cebu. Ang pagtatalaga ng bansa sa pangangalaga ni San Jose ay kasabay ng pagdiriwang ng Year of St. Joseph na idineklara ni Pope Francis noong Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021.