28 total views
Pinalalahanan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang mga pari na palaging pasalamatan ang Panginoon sa biyaya ng bokasyong maging katuwang sa misyon sa sanlibutan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa pagtitipon ng Young Clergy of Cebu Residency Program na ginanap sa St. Augustine of Hippo Parish sa Olango Island, Lapu-Lapu City, Cebu kamakailan.
Binigyang diin ni Archbishop Palma na bagamat lahat ng binyagan ay tinawag sa pagmimisyon bilang mga lingkod ng simbahan, iilan lamang ang nakatutugon sapagkat ito ang mga pinili ng Diyos sa natatanging misyon na ipapastol ang kawan ng Panginoon.
“The gift of vocation is a beautiful gift, but it may be lost if we don’t care enough. Every morning, if you can, renew your gratitude to the Lord for the gift of priesthood, of being called and chosen,” bahagi ng pagninilay ni Archbishop Palma.
Kasabay ng pagdiriwang ng National Vocation Month pinaalalahanan ng arsobispo ang mga pari na dapat maranasan ang kasiyahang dulot ng paglilingkod sa Panginoon.
Batid ni Archbishop Palma na bilang tao ay nakararanas ng kalungkutan ang mga pari subalit iginiit nitong laging kasama si Hesus sa lahat ng pagkakataon at gumagabay sa mga gawaing pagpapastol.
“We have to immerse ourselves into that feeling of being alone and eventually knowing that we are not alone. Jesus is there. He is with us,” ani ng arsobispo.
Pinangasiwaan ni Augustinian missionary Fr. Leo Mario Singco ang Young Clergy of Cebu Residency Program na sinimulan noong November 4 at magtatapos sa November 8 kung saan pinagnilayan ang temang ‘Embracing the Journey Within in Solidarity with Fellow Clergy.