271 total views
Homiliya Para sa Misang Salubong
9 Abril 2023, Juan 20:1-9
Ang Salubong ay pagsasaritwal ng ating pakikitagpo kay Hesus ng Nazareth bilang Kristo, ang hinirang na Manunubos at Anak ng Diyos. Simulan natin ang pagsisikap nating maunawaan ang kahulugan ng pagsalubong sa tanong: ano ang kabaligtaran nito?
Sa buhay natin kung mayroon tayong sinasalubong, meron din tayong tinatakbuhan. Iyun ang kabaligtaran nito. Sino ang mga tipong imbes na salubungin ay pinagtataguan o iniiwasan natin?
1) yung naniningil ng utang,
2) yung kagalit natin
3) yung humihingi na ayaw mong bigyan
4) yung mga multo pinagtataguan din iyan, at
5) yung mga taong laging problema ang dala, sakit ng ulo o basag-ulo.
Simulan natin sa naniningil ng utang. Sa totoo lang hindi naman lahat ng may utang nagtatago sa naniningil. Iyun lang walang pambayad. At ang utang hindi lang pera, kung minsan utang na loob.
Pangalawa, yung kagalit natin. Minsan kung din man natin maiwasan, dinededma na lang natin. Yung para bang wala kang nakikita kasi nga ayaw mo siyang makita.
Pangatlo, minsan iniiwasan natin yung may hinihingi sa atin. Di ba kaya kumakatok sa may pintuan ng mga sasakyan ang mga pulubi ay dahil kahit nakita na sila ang hinihingan ay lumilingon sa kabila? Lalo na kung nangungulit pa na parang karapatan nila ang hinihingi nila o paulit-ulit ang paghingi. Kung wala nga namang alam ang tao kundi humingi pero wala namang ibinibigay kahit ano, pagtataguan mo talaga.
Pang-apat, yung nagmumulto. Minsan hindi naman literal na multo ang tinatakbuhan natin. Pwede rin tayong multuhin ng kahapon. Mga atraso ng nakaraan, mga inagrabyado natin, niloko o biniktima (parang related din ito sa utang). Pwede ring ang nagmumulto ay traumatic experience na pilit bumabalik-balik sa alaala, di malimot-limot. Di mo maibaon; parang laging nagpapakita.
Pang-lima, iniiwasan din yung mga taong laging problema ang dala, sakit ng ulo o basag-ulo. Ang madalas kong marinig na katwiran ay, “Ba’t ko ba siya sasalubungin, ayoko ngang magpa-stress?” Noong unang panahon daw, ang mga nagdadala ng masamang balita pinapatay. Ang lupit ano?
Bakit excited tayong sumalubong kay Kristo? Iugnay natin sa limang puntong binanggit natin. Una, kasi si Kristo ang tipong imbes na maningil ng utang, di lang nagpapatawad, nagbibigay pa ng pantubos, pati buhay niya. Hindi ka ba sasalubong sa ganyan?
Pangalawa, siya yung tipong iwasan mo man ay hindi iiwas sa iyo. Hindi kasi siya nagtatanim ng galit.
Masarap salubungin dahil kapag humingi sa iyo, habang nagbibigay ka mas lalo ka niyang pinayayaman. Hindi lang siya nagpapatrabaho; tumatrabaho siya mismo at parang walang kapaguran—kahit gaano kabigat, sa kanya parang magaan. Nakakaakit makitrabaho sa ganyan. Trabahong may kasamang ngiti, hindi simangot.
Nagpapalakas siya ng loob. Kaya imbes na takbuhan siya sinasalubong siya. Hindi nga kasi siya multo; buhay siya at nabuhay para buhayin din tayo at turuang bumuhay sa kapwa. Tinuturuan niya tayong humarap, magpakumbaba, makipagkasundo. Siya ay parang duktor; kahit alam mong ooperahan ka niya hindi mo siya tatakbuhan dahil alam mong gagamutin ka niya. Ibig niyang gumaling ka.
Higit sa lahat, mabuting balita ang dala niya at Kapayapaan ang unang bati niya. Nasugatan na rin siya pero peklat na lang ang naiwan, hindi tinatandaan ang sakit. Para siyang batang nainiksyunan at magsasabi sa kapwa bata, “Parang kagat lang ng langgam. Ba’t ka matatakot?”
Masarap sumalubong lalo na kung may pasalubong. At ang pasalubong niya sa atin ay ang Espiritu Santo. Nananatili.
Ang tunay na nagpapasaya sa pagtanggap ng pasalubong ay ang damdamin na mahalaga ka sa taong dumarating. Di ba ganyan sa pinasalubungan, yun lang naalala ka niyang ipagbalot o pasalubungan ay sapat na. Nakatataba ng puso di ba?
Kung 40 araw ang Kuwaresma, 50 araw ang Pagkabuhay. Ang pinaka-rurok nito ay Pentekostes, ang pagbaba ng Espiritung kanyang pasalubong. Simula pa lang ang araw na ito. May dala siyang panababik. Tinatawag niya ang mga nagtatago para lumabas; ang mga natatakot pinalakakas niya ng loob. Inaalis niya ang belo ng pagluluksa.
Alam kong kaya kayo dumagsa dito ay upang idalangin na tayo rin ay maalisan ng mga belong itim? Kay Mama Mary, nakikita natin ang ating sarili na kung minsan ay nadidiliman din ng mga problema at pagsubok na mabibigat. Alam natin dumarating siya sa buhay natin upang pahirin ang ating luha, upang sikatan tayo ng kanyang liwanag matapos ang mahabang gabi ng kadiliman, upang sabihin sa ating kapag parang ibig na nating bumigay o sumuko na hindi pa tapos ang lahat; may bukas pang darating at ang bukas na iyon ay ngayon.