511 total views
Pakikiisa sa sakripisyo ng Panginoon at pasasalamat sa mga biyayang ipinagkaloob.
Ito ang pahayag ng ilang deboto ng Mahal na Poong Hesus Nazareno na nakiisa sa Traslacion ngayong taon.
Ayon sa mga deboto ang paghihirap sa isang buong maghapon na paghihintay sa andas ng Hesus Nazareno ay hindi makatutumbas sa paghihirap at sakripisyo ni Hesus habang naglalakbay patungong kalbaryo pasan ang mabigat na krus.
Soledad Lafuerte, 70 years old
“Ang taun-taon kong pagsama sa Traslacion ay pagpapasalamat sa Panginoon dahil sa patuloy na mga biyaya at kagalingan na ibinigay niya sakin at sa mga mahal ko sa buhay.”
Reynante Amores, 41 years old
“Hinihiling ko sa Panginoon ang kalakasan at mabuting kalusugan ng aking buong pamilya at sa aking maayos na paghahanapbuhay.”
Nelson Salbinez, 57 years old
“Nakatulong ang Traslacion sa paggabay sa aking buhay at nagpapalalim sa pananampalataya naming mag-anak. Nakikita namin sa Mahal na Poong Hesus Nazareno ang kabutihan ng Diyos para sa atin na kaniyang mga anak.”
Binigyang diin pa ng mga deboto na sa pamamagitan ng Traslacion ay mas napalalim pa ang kanilang pananampalataya sa Diyos at nailalapit ang kanilang mga kahilingan sa Panginoon.
Ang paghawak at paglapit sa andas ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ay sumisimbolo sa masidhing pananampalataya ng mga deboto na makatutulong sa mas malalim na pakikipag-ugnayan sa Diyos Amang lumikha sa sanlibutan.
Umaasa ang mga nakatatandang deboto ng Hesus Nazareno na maipagpatuloy ng susunod na henerasyon ang pagdedebosyon at higit na makita ang kagandahang maidudulot nito sa buhay pananampalataya ng tao hindi lamang isang tradisyon na nakaugalian ng mga Filipino kundi ang pakikipagkaisa sa mga sakripisyo ni Hesus at pakikibahagi sa dakilang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan.
SA inisyal na pagtaya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) may mahigit sa 4 na milyong deboto ang nakilahok sa pagdiriwang ng mga banal na gawain ng Poong Hesus Nazareno simula noong ika – 31 ng Disyembre hanggang sa magtapos ang Traslacion.
Sa homiliya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa misang isinagawa sa Quirino Grandstand ipinaliwanag nitong ang pagdedebosyon ay may kaakibat na pagmamahal dahil ito ay biyaya at isang paghirang.