808 total views
Bakunado na laban sa COVID-19 ang karamihan sa mga estudyante sa ilalim ng Pasig Diocesan Schools System (PaDSS).
Ito ang ibinahagi ni PaDSS Superintendent, Father Daniel Estacio kaugnay sa paghahanda ng mga catholic schools sa Diyosesis ng Pasig para sa limited face-to-face classes.
Katuwang ng diyosesis ang mga lokal na pamahalaan ng Pasig City, Taguig City at Pateros sa pamamahagi ng bakuna para sa mga mag-aaral na nasa edad 12 taong gulang at pataas.
“‘Yung sa programa ng mga LGU, syempre ‘yung preparation for the face to face classes na mabakunahan ‘yung mga bata na [nasa age] 12 and above. So, nagsimula na po ito at karamihan na po ng mga estudyante sa Diocese ng Pasig ay nabakunahan na,” pahayag ni Fr. Estacio sa panayam ng Radio Veritas.
Pagbabahagi ng pari na katuwang din ng diyosesis ang Pasig Alliance of Private School Administrators (PAPRISA) upang mas mapadali at maging maayos ang proseso ng pamamahagi ng bakuna para sa mga estudyante.
“Nagsubmit kami ng mga pangalan ng list kasi ‘yung PAPRISA, nakipag-coordinate po sa LGU Pasig and then nagsubmit kami ng mga names thru google form per school. And then ang ginawa nila ay kino-contact nila ‘yung mga estudyante para sa schedule nila ng vaccination sa iba’t ibang mga vaccination areas dito sa Pasig,” saad ng pari.
Nagpapasalamat naman si Fr. Estacio sa mga lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagtugon at pakikipagtulungan upang mabigyan ng karagdagang proteksyon ang mga kabataan laban sa virus.
Kaugnay nito, nauna nang inanunsyo ng Pasig City LGU na balak nitong bakunahan ang nasa 59,000 estudyante na may edad 12 hanggang 17 taong gulang ngayong buwan.
Samantala, isasagawa naman hanggang unang araw ng Disyembre ang Bayanihan Bakunahan – National Vaccination Days ng pamahalaan na nilalayong bakunahan ang nasa 9 na milyong Pilipino.