67,660 total views
Kapanalig, nakaka-inspire ang pag-gamit ng France ng Seine River para sa opening ng 2024 Olympics. Marahil, marami sa atin ang naka-alala sa Ilog Pasig, at nangarap na isang araw, mabalik natin ang dating ganda nito at magamit din natin para sa mga importante at makasaysayang selebrasyon sa ating bayan.
Para mangyari ito kapanalig, kailangan natin tutukan ang revitalization ng Pasig River. Kailangan natin itong linisin, kasama ang mga tributaries o mga sanga nito. Kailangan muling mabuhay ang ilog, kapanalig, upang maging kapaki-pakinabang ulit ito. Malaking responsibilidad ito. Nitong nakaraang Mayo, nireport ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na umabot ng 1,603.53 tonelada ng mixed solid waste at water hyacinth ang nakuha nila sa ilog mula January hanggang Mayo ngayong taon.
Mahirap man aminin, pero kapanalig, madumi at naghihingalo ang Pasig River. May mga pag-aaral na nagsasabi na ito ay isa sa mga pinaka-polluted na ilog sa buong mundo, at isa ito sa mga source ng mga plastic waste na napupunta sa ating mga karagatan. Kaya’t welcome change, kapanalig, na ngayon, may Executive Order No. 35 na nagbubuo ng Inter-Agency Council for the Pasig River Urban Development, na pinangungunahan ng Department of Human Settlements and Urban Development at ng Metropolitan Manila Development Authority. Ang council na ito, na binubuo ng 15 government agencies, ay naglalayong ma-improve ang water quality, ibalik ang marine life, and ayusin muli ang baybayin ng Pasig River, pati mga sanga nito at mga pamayanan sa tabi nito. Kapanalig, nais nating magtagumpay ang council na ito, matapos na ilang grupo na ang naglayong ayusin ang Ilog Pasig. Marami ang na ang sumubok, ngunit wala pang tunay na nagtagumpay.
Dapat na maibalik ang dating ganda at linis ng Pasig River. Isang malaking kahihiyan at pagkakamali ang iwanang naghihingalo at marumi ito, lalo pa’t ito ay nasa sentro ng NCR. Nagiging simbolo ito ng ating kapabayaan bilang isang bayan. Kahit ano pang yaman ang ating makamtam, kung ang likas yaman na nasa bakod nating lahat ay masangsang at napapabayaan, hindi pa rin tayo tunay na matagumpay o mayaman. Sabi sa Populorum Progressio: Ang Bibliya, mula sa unang pahina, ay nagtuturo sa atin na ang buong sangnilikha ay para sa sangkatauhan. Pananagutan nating lahat na paunlarin ito sa pamamagitan ng matalinong pagsisikap. Sana ngayon, sa bagong council na ito at ng kanilang matalinong pagsisikap, mabuhay ulit ang Ilog Pasig at maging masigla at maunlad ang mga pamayanan sa baybayin nito.
Sumainyo ang Katotohanan.