354 total views
Tiniyak ng Diocese of Legazpi ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 hindi lamang sa probinsya ng Albay kundi maging sa buong Bicol Region.
Ayon kay Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon, sadyang nakababahala ang biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya at mga karating lugar kung saan puspusan rin ang isinasagawang hakbang ng diyosesis upang matiyak na masunod ng mga Simbahan at mananampalataya ang mga safety health protocols bilang pag-iingat sa pagkalat ng sakit.
Pagbabahagi ng Obispo, kabilang sa mga hakbang na ginagawa ng diyosesis ay ang pagbabawas ng mga gawaing pansimbahan bilang pagsunod na rin sa payo ng lokal na pamahalaan.
“Medyo tumataas ang bilang ng COVID-19 cases din namin dito, medyo alarming nga ito kasi hindi ito datirating nangyayari, so dito sa Legazpi we are trying our best to observe as much as we could the social protocols that are supposed to be in place and we are trying to monitor kapag sinabi ng gobyerno na babawasan namin ang activities sa Simbahan binabawasan namin yun ngayon.” pahayag ni Bishop Baylon sa panayam sa Radio Veritas.
Bukod sa pagbabawas ng mga gawaing pansimbahan ibinahagi rin ni Bishop Baylon ang pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan sa pagbubukas ng ilang pasilidad ng diyosesis upang magsilbing quarantine at isolation facility ng mga nagpositibo sa COVID-19.
“Nakikipag-ugnayan kami ng lubusan with government especially in terms of whatever facilities we can offer for quarantine and isolation sa mga nagka-COVID-19, yung mga positive na COVID-19 cases.” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Una na ngang napagdesisyunan ng Diocesan Covid-19 Committee at Board of Consultors ng Diocese of Legazpi ang pagpapaliban sa nakatakdang Third Diocesan Pastoral Assembly (DPA3) ng diyosesis dahil sa muling pagtaas ng kaso ng sakit sa probinsya kung saan mula sa orihinal na petsa ng pagtitipon sa ika-29 hanggang ika-30 ng Hunyo ay itinakda na ito sa ika-6 hanggang ika-7 ng Agosto.
Tema ng Third Diocesan Pastoral Assembly (DPA3) ng Diocese of Legazpi ang “Gifted to Give: Freely you have received, freely give. (Mt. 10,8)” na bahagi ng patuloy na paggunita ng ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano sa bansa.
Batay sa pinakahuling COVID-19 Regional Case Summary ng Department of Health – Bicol Center for Health Development, mula Marso noong nakalipas na taong 2020 hanggang ika-16 ng Hunyo ng kasalukuyang taon umaabot na sa 15,494 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Bicol Region kung saan sa kasalukuyan ay may 5,213 ang active cases.