43,401 total views
Mga Kapanalig, maligaya at mapayapang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus!
Wika nga sa Mateo 28:6, “Wala siya [sa libingan], nabuhay Siyang muli.” Buhay si Hesus! Nadarama niyo ba ang pag-asang dala ng Kanyang muling pagkabuhay? Sa gitna ng ingay ng kampanya at patutsadahan ng mga supporters ng magkakalaban sa halalan, paano natin isasabuhay ang diwa ng Pasko ng Muling Pagkabuhay?
Ayon sa Philippine National Police noong Marso, wala pang sampu ang election-related violence sa bansa. Pero inaasahang tataas ito habang papalapít ang eleksyon. Dagdag pa sa mga ito ang sunud-sunod na kaso ng mga kandidatong bastos ang lumalabas sa kanilang bibig. Tinalakay natin sa isang editoryal ang pambabastos sa single mothers ng isang tumatakbo sa pagkakongresista. Sinampahan na siya ng disqualification case sa COMELEC. Humabol pa ang mga kandidatong nagbitiw ng mga birong mapang-alipusta sa mga kapatid nating Moro at mga negosyante mula sa India.
Napakaraming nangyayari ngayon sa pulitika na tila nabubura na ang tunay na punto ng eleksyon—at pati marahil ang diwa ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus. Sinasabi sa mga panlipunang turo ng Simbahan na ang eleksyon ay isang porma ng kontrol ng taumbayan kung saan napananagot natin ang ating mga lider. Pagkakataon ito upang palitan ang mga nakaupo sa puwestong walang napatunayan at upang makapagluklok ng mga lider na tunay na maglilingkod sa atin.
Bilang paghahanda sa eleksyon, ang kampanyahan ay panahon para makilala natin ang mga kandidato at bigyang-diin ang ating mga pinahahalagahan bilang mga indibidwal, komunidad, at bayan. Sa mga pag-uusap sa mga campaign sorties, sa online, sa ating mga tahanan at kapitbahayan, maaari nating ipakita ang ating mga Kristiyanong prinsipyo katulad ng pagpapahalaga sa buhay at dignidad ng tao, dangal ng sanilikha, pagkiling sa mahihirap at isinasantabi, at kabutihang panlahat o common good. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga plataporma ng mga kandidato kaugnay ng mga prinsipyong ito, isinusulong natin ang isang mas makatarungan at mapagmahal na lipunan. Hindi ba’t ang lipunang sumasalamin ng kaharian ng Diyos ang hangad ng Hesus na muling nabuhay? Hindi ba ito pagtataguyod ng Kanyang kaharian dito sa lupa ang diwa ng Pasko ng Muling Pagkabuhay?
Bilang mga tagasunod ni Hesus na pinaghabilinan Niya ng misyon, huwag nating ituring na hiwalay ang pagpapanibago ng ating pulitika sa pagsasabuhay ng pag-asang dala ng Pasko ng Muling Pagkabuhay. Nakapaloob pa naman sa panahon ng Pasko ng Muling Pagkabuhay ang eleksyon sa Mayo 12. Pagkakataon ito upang tumugon sa imbitasyon ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti na lumikha ng mas mabuting uri ng pulitika o “a better kind of politics.” Nakatuon ang pulitikang ito sa kultura ng pakikilahok at pananagutan para sa kabutihang panlahat, hindi sa mga personalidad. Kaya kung bubuuin natin ang mas mabuting uri na pulitika, buháy ang ating pananampalatayang kumikilos para sa katarungan.
Sa ilalim ng pulitikang ito, kikilos tayo upang masigurong naitataguyod ang ating mga positibong prinsipyo. Mangangampanya tayo para sa mga kandidatong pinoprotektahan ang buhay at dignidad ng bawat tao at nilalang. Papanig tayo sa mga kumikiling sa mahihirap at isinasantabi, katulad ng mga magsasaka, mangingisda, katutubo, maralitang tagalungsod, kababaihan, at mga may kapansanan. Iboboto natin ang mga naninindigan para sa interes ng taumbayan, hindi ng iilan. Sa pagtatapos ng halalan, hindi tayo maglalahong parang bula. Sa halip, aktibo nating papanagutin ang mga maluluklok at sisingilin sila sa kanilang mga ipinangako.
Mga Kapanalig, hindi magkahiwalay ang pagiging isang mabuting mamamayan at mabuting Kristiyano. Ngayong panahon ng eleksyon at Pasko ng Muling Pagkabuhay, isabuhay natin ang pag-asang dulot ng muling pagkabuhay ni Hesus sa pagsusulong ng mas mabuting uri ng pulitika.
Sumainyo ang katotohanan.