1,754 total views
Hinimok ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na higit na palalimin ang pananampalataya kasabay ng pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay ng Panginoon.
Sa Easter Message ni CBCP-Caritas Philippines President, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, ang muling pagkabuhay ni Hesus mula sa kadiliman ay paanyaya sa bawat isa na patuloy na magtiwala sa pangakong hatid ng Panginoon.
“Jesus, on the cross, gave us the assurance that we will never walk alone in our journey. On his triumph against death, he gave us the complete guarantee that beginnings are necessary and possible. We just need to have faith.” bahagi ng mensahe ni Bishop Bagaforo.
Iginiit ni Bishop Bagaforo na tinupad na ng Panginoong Hesukristo ang pangakong tutubusin ang sanlibutan mula sa kadiliman at kasalanan tungo sa Liwanag at kapayapaan.
Umaasa ang Obispo na ang pagpapakasakit, pagkamatay, at muling pagkabuhay ng Panginoon nawa’y magbunsod sa mananampalataya na maging kasangkapan sa pagpapalaganap ng kapayapaan sa lipunan.
Gayundin ang pagpapatawad at patuloy na pagsisisi sa mga nagawang kasalanan upang higit na maisakatuparan ang pangakong kapayapaan ni Kristo.
“Get ready to share peace with everyone. Sa bahay, tulungan mo ang iyong mga kapatid sa gawaing-bahay. At work, learn to agree to disagree. On the streets, smile. Share an ounce of joy with anyone. Start your renewed journey with small things, subalit palagi, sapat at tapat.” ayon kay Bishop Bagaforo.
Patuloy na isinusulong ng simbahan ang Synod on Synodality na layunin ng Santo Papa Francisco upang hikayatin ang mga mananampalataya na makibahagi at sama-samang maglakbay bilang iisang simbahan tungo sa landas ni Hesus.