361 total views
Si Hesukristo ang pinaka-magandang regalo na matatanggap ng bawat mananampalataya ngayong kapaskuhan at sumisimbolo ito ng pagdamay sa kapwa.
Ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ganito kahalaga sa Panginoon ang mga tao na kahit ang kanyang bugtong na anak ay ihahandog para sa kanilang kaligtasan.
Pahayag ng Kardinal, ang pasko ay sumisimbolo ng tagumpay ng Diyos laban sa anumang kasamaan dito sa lupa.
“Taon-taon ating pinapaalaala na ang sentro ng pasko ay ang pagdating ni Hesukristo. Siya ang pinaka-regalo ng Diyos Ama sa atin, para ipahiwatig sa atin na bagamat may mga kadiliman, mga kasalanan, karupukan ay mas matindi pa rin ang pag-ibig, ang biyaya at ang kapayapaan ng Panginoon. Ang pasko ay paghahayag ng tagumpay ng Diyos laban sa kahit anupang kasalanan,” pahayag ni Cardinal Tagle sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, pinaalalahanan din ni Cardinal Tagle ang sambayanan na ipagdiwang nawa ang pasko na hindi isang komersyo, sa halip iparamdam sa kapwa ang pagmamahal sa pamamagitan ng pagdamay at pagtulong sa mga nangangailangan.
“Kaya sana ang pasko ay hindi lamang maging komersyo kundi maging talagang karanasang espiritwal, karanasang religious, magnilay tayo paano ko ba naranasan ang tagumpay ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo sa buhay ko yun ang pasko, at paano ako magiging daan ng tagumpay naman ni Kristo sa ibang kapwa sa kapwa lalo na sa mga nagdurusa yun ay ang pagse-share at pagbabahagi ng diwa ng pasko,” pahayag pa ng Kardinal.