221 total views
Isa sa mga kaaba-abang pangyayari sa buhay ng tao ang mawalan ng tahanan. Ang kawalan ng tahanan ay simbolo ng sukdulang kahirapan, kawalan ng proteksyon, at pagiging tapon o palaboy ng lipunan. Nobody deserves to be homeless, kapanalig.
Ngayong pasko, mas masidhi ang kalungkutan ng mga walang sariling tahanan, lalo pa kung sila’y nag-iisa. Malamig ang simoy ng hangin at maulan, pero wala silang mapagsilungan. Pinapa-alala nito ang karanasan ng ating Diyos na sa sabsaban lamang naipanganak. Tulad niya, napakarami pa ring Filipino ang walang tahanan.
Ang kawalan ng tahanan ay malaking isyu sa ating bayan. Ayon sa opisyal na datos noong 2018, tinatayang 4.5 milyong Filipino pa ang walang tahanan o nakatira sa mga informal settlements sa ating bansa. Napakahirap tumira sa mga ganitong lugar, kapanalig, lalo ngayon na panahon ng pandemya. Dikit dikit ang bahay at maninipis na plywood o yero lamang ang pagitan ng mga tirahan.
Maliban sa sikip, pahirapan din ang mga batayang serbisyo dito gaya ng tubig at kuryente. Mala -pansit na ang mga kawad ng kuryente sa mga lugar na ito. Marami na rin ang jumper connections na nagdadala ng panganib ng sunog. Ang tubig din kadalasan ay communal – may poso o gripo na pinipilahan ng mga residente. Kung may piped connections man, ang mga metro nila ay malayo sa mga kabahayan, kaya’t ang kanilang mga linya ay prone sa pagkabutas o pakasira. May iba, nanakawan na nga rin ng tubig.
Wala ring privacy sa ganitong mga lugar kapanalig. Maingay habang naka-work from home o naka-online classes ang mga estudyante. Hirap na sa pagkakaroon ng gadget dahil sa kahirapan, hirap pa sa pakikinig dahil nga dikit-dikit ang mga pamamahay.
Kapanalig, ang problema sa pabahay ay problemang sobrang tagal na. Padami ng padami ang mga walang bahay. Itong darating na 2022, tinatantyang aabot na sa 6.5 million hanggang 7 million ang walang bahay. Ang paghihirap ng mga tao ngayong pandemya, ang pagdami ng nais lumipat sa mga syudad para sa trabaho, at ang mabagal at mahal na pagpagawa ng bahay ay ilan sa mga dahilan kung bakit tataas pa ang housing backlog sa bansa. Sana, makahabol tayo para wala ng mamamayan ang magtitiis pa sa sabsaban.
Ayon sa Gaudium et Spes, “All offenses against human dignity, such as subhuman living conditions…all these and the like are criminal.” Ang kawalan ng pabahay ng marami nating mga kababayan ay repleksyon ng ating pagsasawalang bahala sa kapakanan ng ating mga kapwa, lalo na ang maralita. Ilang pasko pa kaya ang dadaan bago sila magkakaroon ng tahanan
Sumainyo ang Katotohanan.