158 total views
Naniniwala ang research group na IBON Foundation na bahagi lamang ng istratehiya ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpasa ng maliliit na batas upang pagtakpan ang malalaki at ‘mas mapinsalang’ aksiyon na ipapatupad nito sa hinaharap.
Ayon kay IBON Executive Director Sonny Africa, bagamat makatutulong ang mga inaprubahang batas tulad ng passport validity extension, pagpapalawig ng bisa ng drivers license ay mas kailangan pa ring pagtuunan ng pamahalaan ang mga problemang matagal ng kinakaharap ng Pilipinas kabilang na ang sektor ng agrikultura.
“Sa maraming ipinangako ni Pres. Duterte, ‘yung mga relatibong madali na magpapakita na nagbibigay ng mabuting serbisyo yung Gobyerno, ‘yun ang pinapatapuad niya. Bagamat mas ok nga na may extension dun sa validity [ng passport at license], ok din may free internet, pero kung mas mataas naman ang binabayad mong buwis, kulang pa rin ‘yung farm to market roads at irrigation ng mga magsasaka, may problema pa rin,” ani Africa.
Dagdag pa ni Africa, ginagamit lang ng pangulong Duterte na panakip-butas ang mga maliliit na proyekto para makuha ang suporta ng taong bayan partikular na sa Tax Reform Program na kapag naipatupad ay magiging pabigat sa mga 60-milyong mahihirap na Filipino.
“Sa tingin namin, ginagamit ng Duterte Administration yung mga simpleng projects na ganyan, parang pang-pogi points lang para pagtakpan yung mas hamak na delikado, mas mapaminsalang mga measure nila tulad ng Tax Reform Program,” pahayag pa nito.
Sa datos ng IBON, ang mga manggagawa na kumikita ng 5-libong piso kada buwan ay mawawalan ng 807-piso sa loob ng isang taon habang ang mga empleyado naman na may 19-libong piso monthly income ay kakaltasan ng 3,800-piso kada taon kung papaburan ng Senado ang nasabing panukala.
Una nang ipinaalala ng Kanyang Kabanalan Francisco sa mga lider ng bawat bansa na magsulong ng mga programa na mag-aangat sa buhay ng kanyang nasasakupan at hindi lamang sa interes ng iilan.