216 total views
Naglabas ng Pastoral Instruction si Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa pagsasagawa ng Online Holy Mass habang kasalukuyang suspendido ang mga pampublikong misa sa mga Simbahan dahil sa COVID-19 outbreak.
Nakapaloob sa Pastoral Instruction ang naaangkop na paghahanda ng bawat mananamapalataya sa pakikibahagi sa online Holy Mass tulad na lamang ng maagang pagbabasa ng mass readings sa pamamagitan ng iba’t ibang Catholic Bible Reading Guides.
Ayon kay Bishop Pabillo bagamat maaring nasa iba’t ibang lugar o maging sa sariling mga tahanan ay mahalaga pa ring ihanda ang sarili sa buong pusong pakikibahagi sa Banal na Misa.
Paliwanag ng Obispo, bilang paggalang sa banal na misa ay hindi rin naangkop ang pagkakaroon ng pagkain o anumang inumin tulad ng kape sa pagkikibahagi sa Online Holy Mass.
“Since you know the time of the Mass, prepare yourselves well for it. Do not watch it with a cup of coffee in hand. Before the Mass read the Mass readings to prepare yourselves to hear them better once they are proclaimed in the Eucharist.” bahagi ng Pastoral Instruction ni Bishop Pabillo.
Binigyang diin din ni Bishop Pabillo na dapat na buong puso at diwa na ilagay ang sarili sa presensya ng Panginoon sa pamamagitan ng taimtim na pananalangin kasabay ng iba pang mananampalataya sa iba’t ibang lugar.
Giit ng Obispo, hindi lamang dapat na basta panuorin ang banal na misa sa halip ay ganap na makibahagi sa eukaristiya sa pamamagitan ng pakikibahagi sa mga awitin, pagtugon sa mga panalangin, pagtanggap ng komunyong pang-espiritwal at paglalaan ng ilang saglit na katahimikan upang makapagnilay sa pagtatapos ng banal na misa.
“Stay in a reverent gesture throught the Mass, standing or sitting up properly. It would be good if the whole family in the house joins together in the Mass. Do not just watch the Mass. Join in it with your prayers, responses and singing. At the time of communion, make the spiritual communion.” Dagdag pa ni Bishop Broderick Pabillo.
Sinabi ni Bishop Pabillo na isa rin itong magandang pagkakataon upang makibahagi sa banal na misa ang buong pamilya.
Sa huli umaasa si Bishop Pabillo na sa pansamantalang suspensyon ng mga pampublikong misa sa mga Simbahan ay mas makita rin ng mga mananamapalataya ang kahalagahan ng personal na pakikibahagi sa Eukaristiya.
Attached is the Pastoral Instruction on Online Holy Mass: