3,917 total views
Magmula noong December 8, 2015 hanggang December 8, 2016, sa utos ni Papa Francisco, ipinagdiwang natin ang Dakilang Hubileo na tinawag nating “TAON NG AWA.” Sa kalatas na Misericordiae Vultus (Bull of Indiction of the Extra Ordinary Jubilee of Mercy), binigyan diin ng Papa ang dakilang larawan ng Diyos Ama bilang isang mahabagin. At ang pagiging mahabagin na ito ng Diyos Ama ang isa sa masasalamin natin sa buong ministeryo ng ating Panginoong Hesukristo. Yayamang ang isa sa mga hamunin ng pagdiriwang ng Taon ng Awa ay ang panawagan sa simbahan na maging “presensiya at patotoo ng Awa ng Diyos sa Mundo” (Misericordiae Vultus, 22. ), niloob ng mga organizers ng World Apostolic Congress on Mercy (WACOM, 2017) na talakayin sa huling araw ng nasabing kongreso, ang paksa na mayroong kinalaman sa kalikasan. Ang huling araw na ito ay ginanap sa ating Diyosesis noong Enero 21, 2017 na may paksang , “Preserve and Cultivate the Land; Clean the Air; Conserve the Water.”
Ano ang kinalaman ng paksang ito sa ating pagsusumikap na maging anyo ng pagiging mahabagin ng Diyos?
Sa kanyang liham Ensilikal Laudato Si, sinabi ng Papa na ang mga nilalang ng Diyos ay “nanawagan sa atin ukol sa kapahamakang idinulot sa kanya ng ating iresponsableng paggamit at pag-aaksaya sa mga yamang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos. Itinuring natin ang ating mga sarili bilang mga may-ari at panginoon na may karapatang abusuhin siya. Ang karahasan sa ating mga pusong sinugatan ng kasalanan ay masasalamin sa mga sintomas ng karamdaman na makikita sa lupa, sa tubig, sa hangin at sa lahat ng may buhay. Dahil dito, kasama ang lahat ng kawawang pinabayaan natin at pinahirapan, pinagpasan at nilapastangan, ang lupa ay ‘dumaraing dahil sa matinding hirap tulad ng isang nanganganak’.” (Laudato Si, 2.).
Sa maikling salita, gustong sabihin ng Papa Francisco sa ating lahat, ang daigdig sa kaniyang kasalukuyang kalagayan ay nanghihingi ng awa. At ang mga taong naapektuhan sa negatibong pamamaraan bunga ng pang-aabuso sa kalikasan ay nanghihingi rin ng awa. Ang awa ay kanilang hinihingi mula sa mga taong nag aastang Panginoon ng kalikasan. Nangangahulugan, ang maawa sa kalikasan at sa mga taong naapektuhan bunga ng pagmamalabis sa kalikasan ay isang konkretong pamamaraan ng pagpapakita at pagpapadama ng awa ng Diyos.
Sa pagnanais na makapagbigay ng wastong pagtugon sa hamunin na bigay ng Misericordiae Vultus
at ang panawagan ng Laudato Si at WACOM 2017, kami ay nagpasyang sumulat sa napapanahong liham pastoral
na ito.
Sa aming pagliham sa inyo gusto naming ipamulat at ipanawagan ang mga sumusunod:
A. KALAGAYAN NG MUNDO SANG AYON KAY PAPA FRANCISCO
Kinikilala ng Santo Papa na malayo na ang narating ng sangkatauhan at ng daigdig. Mabilis ang pagbabagong nangyayari. Pero kasabay nito kaniyang binigyang diin ang ilang obserbasyon na hindi kanais nais at lubhang nakababahala. Una, ang bilis o tulin ng pagbabagong ito ay malayo sa likas na hinay ng ebolusyong biyolohikal. Pangalawa, ang mga nilalayon ng mabilis at tuloy-tuloy na pagbabago ay hindi palaging nakatuon sa ikabubuti ng lahat, at sa pang matagalan at pangkabuuang pag- unlad ng tao. At ang pangatlo, ang mabilis na pagbabago ay humahantong sa pagkasira ng daigdig at sa kalidad ng pamumuhay ng malaking bahagi ng sangkatauhan.
Mga nangyayari sa daigdig bunga ng mabilis na pagbabago
1. Polusyon
Sa mismong pagwiwika ng Santo Papa, kanyang sinabi,
“May mga anyo ng polusyon na nakakaapekto sa mga tao araw-araw. Nagdadala ng samu’t saring pinsala sa kalusugan, lalo ng mahihirap, ang pagkakababad sa mga dumi sa hangin na nagdudulot ng milyon-milyong maagang kamatayan. Nagkakasakit sila…’(Laudato Si, 20.)
Ang hangin na itinuturing nating napakahalaga sa pag-iral ng lahat ng humihinga ay padumi ng padumi. Ang hangin na pumapasok sa loob ng ating katawan ay lubhang nakababahala dahil ito ay nagbibigay ng panganib sa kalusugan at buhay ng tao. Kaya sa mismong pananalita ng Santo Papa ang polusyon ang siyang sanhi ng maagang kamatayan at pagkakasakit ng nakararami.
2. Pagbabago ng klima bunga ng tinatawag na Global Warming
Gamit ang matibay na pagkakasundo-sundo ng mga siyentipiko, binigyang diin ng Santo Papa na tayo ay
“nahaharap ngayon sa isang nakababahalang pag-init ng sistema ng klima. Sa mga huling dekada, ang pag-init na ito ay sinabayan ng patuloy na pagtaas ng nibel ng dagat at bukod pa rito, mahirap na hindi ito iugnay sa pagdami ng matitinding pagbabago sa panahon, higit pa sa maaaring ikabit sa isang sanhing matutukoy ng agham para sa bawat isang pangyayari.” (Laudato Si, 23.).
Sa maikling salita, ang global warming ay siyang nagiging dahilan kung bakit mayroong matinding pagbabago sa panahon. Dito sa ating bansa ito ay nararanasan na. Kapag panahon ng tag-init, katulad ng alam ninyo, mayroong bahagi sa ating bansa ang bukirin ay natutuyo bunga ng kawalan ng tubig. Marami tayong kababayan na ang kabuhayan ay nakasandig sa lupa ang hindi makapagtanim. At katulad ng inaasahan, marami sa kanila ang nakakaranas ng gutom. Kapag panahon naman ng tag-ulan, kapansin pansin ang maraming tubig na binubuhos. Bunga ng malalaking baha na nararanasan natin, may mga nawawalan ng buhay at maraming ari-arian (katulad ng mga tanim, bahay, mga alagang hayop) ang lumulubog at nasasayang. At ang panghuli, huwag nating kalilimutan na mayroon ding kinalaman ang Global Warming sa palakas ng palakas na mga bagyong dumaraan sa ating bansa.
Idinagdag pa ng Santo Papa na ang pag-init ay mayroon ding epekto sa carbon cycle. Ang sabi niya ang pag-init ng mundo ay,
“lumilikha ng isang mapaminsalang siklo na lalong nagpapalala sa sitwasyon at nakakaapekto sa suplay ng mga pagkukunang kailangang-kailangan tulad ng maiinom na tubig, enerhiya, at mga produktong agricultural sa mas maiinit na lugar, at nagbubunsod ng pagkawala ng bahagi ng biodiversity ng planeta. Nagbabadya ang unti-unting pagkatunaw ng polar ice caps at mga yelo sa ibabaw ng mataas na lugar ng isang lubhang mapanganib na pagpapakawala ng methane gas, at ang pagkabulok ng mga nagyeyelong organikong material ay lalong magpapataas sa pagpapakawala ng carbon dioxide. (Laudato Si, 24.)
Bunga ng epekto ng pag init sa carbon cycle ay ang pagtaas ng nibel ng asido sa mga karagatan at inilalagay sa panganib ang food chain na nangyayari dito.
Kung ang pag-init ng mundo ay hindi mapipigilan, kung hindi man tayo, ang mga susunod na henerasyon ay “magiging saksi sa pagbabago ng klima at sa isang hindi pa nahihigitang pagkawasak ng ekosistema.” (Laudato Si, 25.)
B. MGA SANHI NG KASALUKUYANG KALAGAYAN NG MUNDO
1. Sanhi ng Polusyon
Sa kanyang pagbanggit sa kalagayan na matindi at mabigat na problema sa polusyon, kami ay sumasang ayon sa Santo Papa ng kaniyang sabihin ang mga sanhi at pinagbubuhatan nito. Una, sabi niya, ang polusyon ay sanhi ng,
“mataas na nibel ng usok, mula sa mga panggatong na gamit sa pagluluto o sa pagpapainit. Dagdag pa rito ang polusyong nakakaapekto sa lahat na galing sa transportasyon, sa ibinubuga ng industriya, sa mga naipong sustansiya na nagdudulot ng pagtaas sa nibel ng asido sa lupa at tubig, sa mga pataba, pamatay-insekto, pamatay amag, pamatay-damo, at mga toxic sa lupa sa pangkalahatan…”(Laudato Si, 20.)
Kanya pang idinagdag na ang kultura ng pagtatapon ay sanhi rin ng polusyon. Kaya ang sabi niya na,
“nararapat ring tingnan ang polusyong dulot ng basura, kasama na ang mga panganib na itinatapon, na matatagpuan sa iba’t ibang kapaligiran. Taon-taon nililikha ang daang milyong tonelada ng basura mula sa mga tahanan at negosyo, basura mula sa mga pagpapagiba, basura mula sa mga pagamutan, elektroniks, at industriya, mga basurang lubhang toxic at radioactive. Unti-unti, ang daigdig na ating tahanan ay para bang nagiging isang napalaking tambakan ng dumi….Marami sa mga basurang mula sa mga industriya, gaya ng mga produktong kemikal na ginagamit sa mga lungsod at agrikultura, ay maaring magdulot ng bioaccumulation…” (Laudato Si, 21.)
2. Sanhi ng pagbabago ng klima
Ang mundo na ginagalawan natin ay painit ng painit bunga ng maraming sanhi. Ang unang sanhi ay bunga na rin ng kalikasan katulad ng pagkilos ng mga bulkan, pagbabago sa orbit o sa axis ng daigdig o sa solar cycle. Sa mga sanhing ito, wala tayong magagawa. Ngunit sang ayon sa maraming siyentipikong panananaliksik, ang pangalawang sanhi ay bunga ng pagkilos at paggawa ng tao. Sa sanhing ito, malaki ang magagawa ng tao. Malaking bahagi ng matinding pagkakaipon ng greenhouse gases katulad ng carbon dioxide, methane, nitrogen oxide ay bunga ng pagkilos at paggawa ng tao. Ang sabi ng Santo Papa,
“sa pagkakaipon nila (green house gases) sa himpapawid, pinipigilan ng mga ito na bumalik sa kalawakan ang init ng mga sinag ng araw na tumatalbog sa lupa. Pinalalakas ito, lalo na ng modelo sa pag-unlad na nakasandig sa malakas na paggamit ng fossil fuels, na naging sentro ng pandaigdigang sistema ng enerhiya. Gayundin naman, nakapagdudulot ng paglala ang ginagawang pagbabago sa mga gamit ng lupa, lalo na ang pagkalbo sa mga kagubatan para sa agrikultura.” (Laudato Si, 23)
Upang mapigilan ang patuloy na pag-init ng mundo, mayroong pangangailangan sa bahagi ng tao na magising at makita ang matinding pangangailangan na baguhin ang mga paraan ng pamumuhay, produksyon at pagkonsumo.
C. MAGIGING KONTRIBUSYON NG BATAAN SA KASALUKUYANG KALAGAYAN NG MUNDO
Sa mga nagiging sanhi kung bakit nagkakaroon ng polusyon at painit-init na kalagayan ng mundo, naging paulit-ulit ang pagwiwika na ang isa sa nagiging sanhi nito ay ang sobrang paggamit ng tao sa tinatanawag na “fossil fuels.” Ang fossil fuels ay bunga ng pagkabulok ng anumang buhay na organismo (e.g. halaman) na mayroong natatagong enerhiya milyong-milyong taon na ang nakakaraan. Ang mga ito ay naglalaman ng malaking porsiyento ng carbon kasama na rito ang coal at petrolyo. Ang fossil fuels ay ginagamit ng mga makina ng anumang sasakyan at mga plantang lumilikha ng enerhiya na magbibigay ng elektrisidad na siya namang ginagamit ng tao.
Dito namin gustong maging partikular kung bakit ang liham pastoral na ito ay aming sinulat. Ano ang ibig naming sabihin?
Bilang inyong mga pastol, kasama ng maraming taga Bataan, aming napansin ang ating lalawigan ay MASYADONG NAGING MABAIT sa pagtanggap sa mga namumuhunan (Kapitalista) na nagtatayo ng power plants na gumagamit ng fossil fuels. Sa kasalukuyan, ang mga sumusunod ay ang mga power plants sa ating lalawigan:
1. REFINERY SOLID FUEL FIRED POWER PLANT (RSFFPP): ito ay gumagamit ng coal at petcoke (isa sa mga waste product ng Bataan Oil Refinery). Ito ay matatagpuan sa Limay, Bataan. Ayon sa ating mga mananampalataya na nagtratrabaho sa BRC, ito ay kasaluyan ng umaandar.
2. SAN MIGUEL GLOBAL POWER. Ito ay gumagamit ng coal. Ito ay matatagpuan sa Limay, Bataan. Ang kanyang pag-andar ay partial. Inaasahan sa lalong madaling panahon, magiging buo na ang kaniyang operation.
3. PANASIA POWER PLANT (ang dating ABB). Ito ay matatagpuan sa Limay, Bataan. Ito ay gumagamit ng Diesel at Fuel Oil na ang supply ay nanggagaling sa Bataan Oil Refinery. Ito ay may higit na sa sampung taon (10 years in operation)
4. GN POWER PLANT. Ito ay matatagpuan sa Mariveles, Bataan. Ito ay gumagamit ng coal plant at kasalukuyang operational na rin.
5. Isama na rin natin ang BATAAN OIL REFINERY na siyang nagbibigay ng gatong sa PANASIA and in part sa RSFFPP. Ito ay mayhigit ng limampung taon (50 years) in operation.
Lubha tayong naging mabait sa dahilang sa ibang lugar ang mga ito ay tinatanggihan at umani ng maraming kilos protesta. Samantalang sa Bataan ang mga ito ay tahimik na naitayo. Para sa amin ito ay nakababahala. Marahil makakaganda na itanong muna natin kung bakit nga ba ang mga ito ay tinatanggihan sa ibang lugar? Unawain lang natin ng kaunti.
Una, kailangang tanggapin na ang mga ito ay tunay ngang nakatutulong sa paglikha ng enerhiya na kinakailangan ng ating bansa. Walang duda at ito ay hindi na natin pagtatalunan. Makakatulong ba ito sa pagbaba ng halaga ng kuryente sa Bataan at sa buong Pilipinas? Hindi po namin alam. Kung nakakatulong man, ito ay hindi pa masyadong nararamdaman.
Pangalawa, ang talagang dahilan kung bakit ito ay tinatanggihan sa ibang lalawigan ay ang kaniyang pagiging marumi. Mayroong pangit na ibibigay ang mga power plants (na gumagamit ng coal at petrolyo) sa kalusugan ng tao sa dahilang ito ay may ginagawa sa hangin, tubig, at lupa.
Ang mga COAL POWER PLANTS
Magmula sa pagmimina, pagbibiyahe, pagsusunog, at ang waste product pagkatapos ng pagsusunog ng coal mayroong mga environmental concerns. Ang mga ito ang siyang dahilang kung bakit kailangan tayong mabahala.
Sa pagmimina na ginagamit ang underground mining, ito ay lumilikha ng maraming butas sa maraming bundok na nagiging sanhi ng maraming pagguho na nagiging sanhi ng pagkamatay ng maraming halaman at punong kahoy na mayroong epekto sa tinatawag na ecosystem. Samatalang kung surface mining naman ang ginagamit, mayroong pangangailangan na sisirain ang vegetation sa ibabaw ng lupa bago gawin ang tinatawag na pagbubungkal. Muli, ito ay nagdudulot ng pagkasira ng mga halaman at punong kahoy at contours ng ating mga lupain.
Yayamang ang coal na namimina ay ginagawa munang pulbos bago ito dalhin sa mga power plants na paggagamitan, kahit anong pagsunod ang gawin natin sa itinatakda ng batas, mayroon pa ring bahagi ng pulbos (smallest particles) na nakakaalpas sa kanilang lalagyan at nalalanghap ng tao o sumasama sa tubig at lupa ng hindi natin namamalayan. Sa Bataan, ang coal ay binibiyahe sa pamamagitan ng paggamit ng ating karagatan.
Sa pagsusunog, nagkakasundo ang mga dalubhasa na ang coal plant ang siyang mayroong malaking kontribusyon sa polusyon at pag-iinit ng daigdig. Ang mga sumusunod ang binibigay ng mga ito sa ating kapaligiran:
• Sulfur Dioxide (SO2)- ito ang dahilan ng acid rain (na siyang sumisira sa halaman, kagubatan at nagbibigay ng acid contents sa mga ilog) at sanhi ng mga respiratory diseases (contributes to the formation of small acidic particulates than can penetrate into human lungs and be absorbed by the bloodstream) .
• Nitrogen Oxide (NOx)- ito ang dahilan ng smog (ground level ozone) na nagiging sanhi ng pagkakasunod ng lung tissue, magpapalala sa hika, at ang tao ay magiging susceptible sa chronic respiratory disease.
• Carbon Dioxide (CO2) – pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng makapal na greenhouse gas
• Mercury at iba pang heavy metals (hydrocarbon, carbon monoxide, volatile organic compound)– iniuugnay sa brain damage at sakit sa puso. Sinasabi na ang isdang matatagpuan sa tubig na mayroong mercury ay hindi na ligtas kainin
At ang panghuli, during and after burning, ito ay lumilikha ng Particulates (soot or fly ash at bottom ash) – nagiging dahilan ng smog, haze, respiratory illnesses at lung disease katulad ng chronic bronchitis.
Ang mga OIL/DIESEL/PETROLEUM POWER PLANTS at anumang OIL REFINERY
Bagamat ang mga industriyang mayroong kinalaman sa petrolyo ay nasa ilalim ng mga regulasyong itinatakda ng Clean Air Act, the Clean Water Act, and the Safe Drinking Water Act at iba pang maraming batas, mayroong itong ginagawa sa tao na hindi kanais-nais. Ang isa sa mga ito ay ang Polusyon sa hangin. Ang mga ito ang pinagmumulan ng hazardous at toxic pollutant katulad ng BTEX compounds (benzene, toluene, ehtylbenzene, and zylene), nitrogen oxide (NOx) carbon monoxide (CO) hydrogen sulfide (H2S), and sulfur dioxide (SO2). Ilan sa mga kemikal na kaniyang ibinibigay ay tinitignan bilang posibleng dahilan ng pagkakaroon na mga tinatawag na cancer causing agents, dahilan sa pagkakaroon ng depektibong pagbubuntis, nagpapalala sa ilang respiratory conditions katulad ng hika.
Bagamat tanggap natin na tayo ay wala pang sapat na patunay na ito ay nangyayari o nagaganap na sa Bataan, mayroon tayong matibay na dahilan upang paniwalaan na darating ang araw, ang Bataan ay mayroong malaking kontribusyon sa polusyon at pag init ng mundo. Posibleng ang mga epekto sa kalusugan ng mga nasabing power plants ay hindi pa nararamdaman at nakikita sa mga taga Bataan. Subalit papaano na lamang ang mga susunod na henerasyon?
D. ANG AMING MGA PANAWAGAN
Mula sa pahina ng Banal na Kasulatan, patungkol sa kanyang nilalang na tinatawag nating daigdig, sinasabing “ang lahat ng ginawa ng Diyos ay napakabuti” (Genesis, 1, 31). At tungkol naman sa tao, binibigyang diin ang napakataas na dangal ng bawat tao. Ito ay sa kadahilanang ginawa ang tao sa larawan at wangis ng Diyos (Genesis 1, 26). Sa mga salaysay na ito ng paglikha mula sa aklat ng Genesis, iminumungkahi na ang pag-iral ng tao ay dapat nakabatay sa tatlong pangunahing ugnayan na magkakalapit at magkakarugtong: ang ugnayan ng tao sa Diyos, sa kapwa at daigdig.
Nasisira ang mga ugnayan na ito sa dahilang nagtatangka tayong angkinin ang papel ng Diyos at kinalilimutan natin na tayo ay mga nilikhang may limitasyon (Laudato Si, 66). Bunga ng ating pagnanais na maging Diyos nalalayo tayo sa utos ng Diyos na ating “PAMAHALAAN” (Gen 1,28) “PAGYAMANIN at PANGALAGAAN” (Genesis 2,15) ang daigdig. HINDI TAYO DIYOS. At mas lalong HINDI TAYO BINIGYAN NG KAPANGYARIHAN NA MANAKOP AT MANIRA. HINDI NATIN DAPAT SAMANTALAHIN ANG KALIKASAN.
Ang atas na PAGYAMANIN ay nangangahulugan ng PAGBUBUNGKAL, PAGSASAKA o PAGTATRABAHO. Ang atas na PANGALAGAAN ay nangangahulugan naman ng PAGTATANGGOL, PAGSISINOP, PAGPAPANATILI, PAGBABANTAY at PAGMAMATYAG. Ang sabi ni Papa Francisco, ang atas na pamahalaan, pagyamanin at pangalagaan ang daigdig ay nangangahulugan ng
“isang ugnayan ng responsableng pagbibigayan sa pagitan ng tao at kalikasan. Maaring tumanggap ang bawat pamayananan mula sa kasaganaan ng daigdig ng kinakailangan nito para sa kanilang ikabubuhay, subalit kinakailangan rin nilang pangalagaan ito at tiyakin ang patuloy nitong pamumunga sa mga henerasyon sa hinaharap. Ito ay sapagkat sa kahuli-hulihan, ‘ang daigdig ay sa Panginoon’ [Awit 24,1],……Dahil dito, iwinawaksi ng Diyos ang lahat ng pagpapanggap sa isang ganap na pagmamay-ari….[Lev. 25, 23]” (Laudato Si, 67.).
Ang tao ay pinagkalooban ng katalinuhan na kanyang magagamit upang makuha niyang igalang ang mga batas ng kalikasan at ang mga nanganganib na ekwilibriyo sa pagitan ng mga nilalang sa daigidig na ito. Nangangahulugan, hindi naaayon sa layunin ng Diyos na ang tao ay maghari-harian at mananatiling walang pakialam sa iba pang nilikha (cf. Ex 23,12 ang utos na magpahinga ay utos para makapagpahinga ang baka at asno; Dt 22, 4.6 utos na huwag pabayaan ang nadapang asno, baka o kapatid at utos na huwag kukuhanin ang inahin na kasalukuyang nililiman ang kanyang mga itlog).
Nais naming ipalagay na tayong lahat ay nagnanais na makasunod sa layunin at gusto ng Diyos. Magtulungan tayo. Ang aming mga sumusunod na panawagan ay ang mga pamamaraan kung papaano tayo makikipagtulungan.
Sa mga namumuno sa amin dito sa Bataan. Sa pamunuang panlalawigan at sa lahat ng LGUs. Narito po ang aming mga panawagan sa inyo:
• Apat na ang power plants (tatlo ang gumagamit ng coal at isa ay gumagamit ng petrolyo) dito sa Bataan. Sapat na sapat na kontribusyon na ito sa ating bansa. Pakiusap po namin huwag ng dagdagan. SOBRA NA. Huwag po nating gawing mistulang basurahan ang ating lalawigan. Tayo po ay kasalukuyang pinagtatawanan ng mga lalawigang tinanggihan ang mga coal power plants sa kanilang lalawigan. Aming inaala-ala ang minsang pakikipanayam sa amin ng yumaong dating Gobernador Tet Garcia (marahil isang taon bago siya pumanaw at dalawa pa lang ang coal power plants sa Bataan – isa sa Limay at isa sa Mariveles). Kaniyang tinalakay sa amin ang posibilidad na gawing coal plant ang Bataan Nuclear Power Plant. Nang kami ay magpahayag ng pagkabahala sa ikatlong coal plant na itatayo sa Bataan, noong oras ding iyon siya ay nagpasyang putulin na ang pakikipag-ugnayan sa mga kapitalistang nagnanais mamuhunan;
• Mas maging bukas tayo sa ibang alternibo na pagkukuhanan ng enerhiya katulad ng INIT NG ARAW at kung mayroon man sa Bataan, ANG ENERHIYANG MANGGAGALING SA TUBIG at IHIP NG HANGIN. Nalalaman po namin na mayroon na sa Mariveles na gumagamit ng solar heat. Ito po ang ating dagdagan. At kung kakayanin, ito po ang ating paramihin at isulong;
• Alam at tinatanggap po namin na ang ninanais ninyo ay para sa kaunlaran ng Bataan. Hindi po namin itinatatwa na ang mga ito ay mayroong pakinabang. Huwag po tayong masilaw sa BARYANG PAKINABANG. Kailangang tanggapin na ang perwisyong idudulot nito sa Bataan ay magiging pangmatagalan at magiging huli na ang pagsisisi;
• Kung hindi man ninyo hawak, kayo po ay mayroong kapangyarihan sa mga iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan na nagbabantay at nagpapatupad ng mga alituntunin na mayroong kinalaman sa kalikasan, hiling po namin sa mga ahensiyang ito sa pamamagitan ninyo, na MAGING PALAGIAN ang pagmonitor sa mga kasalukuyang power plants na nakatayo sa Bataan. Maging palagian din ang pagtingin sa kalagayan ng hangin, tubig at lupa sa Bataan. At hiling namin, maging totoo at maging bukas sa pag-uulat anuman ang kinalalabasan ng pagmomonitor;
• At ang pang huli, kung mayroon mang hinaing ang ating mga kababayan ngayon at sa mga darating na panahon tungkol sa kanilang nararanasan bunga ng mga power plants na ito, PAKINGGAN AT TULUNGAN NATIN SILA. Umaasa po ang inyong mga pinaglilingkuran na ang kanilang matatakbuhan at masasandigan ay kayo na kanilang iniluklok sa kapangyarihan.
Sa mga nagmamay-ari ng POWER PLANTS sa Bataan:
• Maging mapagpasalamat na po kayo na sa kabila ng pagtutol ng ilan, nakuha po ninyong maitayo ang inyong mga power plants sa Bataan ng walang konsultasyon sa antas na panlalawigan. Pero huwag po ninyong samantalahin ang kabaitan at katahimikan ng nakararami. HUWAG NA PO NINYONG DAGDAGAN ANG MGA POWER PLANTS, partikular ang mga COAL POWER PLANTS sa Bataan;
• Hiling po namin na sa halip na coal power plants, bakit hindi po palawigin ang pagtataguyod sa mga solar panels sa Bataan? Ang mga ito ay hindi nakakasira ng kalikasan at mas lalong hindi nagbibigay banta sa kalusugan ng tao;
• Maging tapat sa pagsunod sa mga itinatakda ng mga batas na mayroong kinalaman sa kalikasan at nawa’y palaging maging bukas sa pagmomonitor na ginagawa ng mga ahensiya ng ating pamahalaan;
• at ang panghuli ay ito. Si Papa Francisco sa kaniyang Laudato Si, 52 ay mayroong sinasabing ecological debt. May utang sa kalikasan ang nagtatayo ng mga power plants partikular ang coal power plant. Ang may utang ay dapat magbayad. Hiling po namin na pagtuunan ninyo ng pansin ang kalagayan ng mga taong posibleng napeperwisyo ng inyong mga planta. Magsagawa ng malimit na pag-ikot kasama ang inyong mga dalubhasang manggagamot para sa libreng konsultayon at gamot. At tularan din natin ang ginagawa ng ilang namumuhunan na nangunguna sa pagtatanim ng maraming puno na makatutulong sa pagpapabawas CO2 sa paligid.
Sa ating lahat na naririto sa Bataan:
• Mahalin natin ang Bataan. Mayaman at maganda ang Bataan. Huwag tayong maging makasarili. Isipin natin ang mga susunod na henerasyon. Ipagtanggol natin ang Bataan. Ipagtanggol at bantayan natin ang yamang kalikasan ng Bataan;
• Maging mapagmatyag at mapanuri;
• At ang panghuli, maging bukas at makisangkot sa anumang pagkilos na mayroong kinalaman sa pagtatanggol sa yamang kalikasan ng Bataan.
Hindi po namin ninanais na makialam. At mas lalong hindi namin ninanais na makasakit ng damdamin ng sinuman. Pusong nagpapastol at pusong nagmamahal sa Bataan at mga taga Bataan, at higit sa lahat pusong mahabagin ang nagbunsod para kami ay magkaisang sumulat sa inyo.
Maraming salamat sa inyong pagbibigay pansin. Kasihan nawa tayo ng pagpapala at awa ng Diyos.
Ang Obispo at ang mga Kaparian ng Diyosesis ng Balanga, Bataan
10 May 2017
St. Antonine of Florence