622 total views
Binigyang diin ng opisyal ng Pontificio Collegio Filipino na mahalaga ang patuloy na paghuhubog ng mga pastol ng Simbahan para mas lumawak ang kaalaman sa pangangalaga ng kawan ng Panginoon.
Ayon kay PCF Rector Father Gregory Ramon Gaston isang uri ng pastoral ministry ang paghuhubog sa mga pari sa kapakinabangan ng mga komunidad na pinaglilingkuran.
“Some seminarians and priests love to distinguish between pastoral work on the one hand and academic studies on the other; academic studies are truly a pastoral ministry, as it is done out of a spirit of service for the Church,” bahagi ng pahayag ni Fr. Gaston.
Ang mensahe ng pari ay kasabay ng pagdiriwang ng ika-apat na dekada ng pagiging pari ni Filipino Cardinal Luis Antonio Tagle ang kasalukuyang Prefect ng Congregation for the Evangelizations of People at kasalukuyang nanunuluyan sa institusyon.
Batid ni Fr. Gaston ang kahalagahan ng patuloy na pagsasaliksik at pag-aaral sa iba’t ibang larangan para mas mahubog ang kaalaman at kakayahan.
Aniya kinakailangan ng mga pari at iba pang lingkod ng simbahan ang mga pag-aaral para sa mas maayos na pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang sektor ng lipunan at paglilingkod sa mga komunidad kabilang na ang hindi kasapi ng simbahang katolika.
Itinuring ng pari na isang magandang halimbawa si Cardinal Tagle na patuloy ang paghuhubog sa kabila ng tinatamasang posisyon sa simbahan sa nakalipas na 40 taong pagiging pari.
Sinariwa nito ang pagiging masikap ng cardinal habang nag-aral noon ng Licentiate at Doctorate in Sacred Theology sa Washington DC; pagtuturo sa mga seminaryo sa bansa at pagtanggap ng iba’t ibang Doctorates Honoris Causa sa Pilipinas at ibayong dagat; at pagtalaga noon ni Cardinal Joseph Ratzinger kay Cardinal Tagle bilang kasapi ng International Theological Commission of the Vatican.
Sa apat na dekadang pagiging pastol ng simbahan, iniimbitahan pa rin si Cardinal Tagle na magbigay ng mga panayam sa iba’t ibang pagtitipon sa buong mundo.
Dahil dito umapela si Fr. Gaston sa mananampalataya ng patuloy na suporta para sa Pontificio Collegio Filipino na malaking tulong sa mga pari, madre, at relihiyoso na nagpapatuloy sa kanilang pag-aaral sa mga paaralan sa Roma.
“I always pray that our lay faithful could support their home dioceses so that their Bishops could send some of their priests for further studies in Rome, to undertake this specialized ‘ministry of academic studies for service to the Church,” suportang pahayag ni Fr. Gaston sa mensahe ni Cardinal Tagle.