10,638 total views
Homily for 25th Sun in OT, 24 Sept 2023, Mt20:-16a
Sa Tagalog, iba pala ang meaning ng PAREHAS sa PATAS. Pwedeng parehas ang laban pero hindi patas. Pero ang dalawang salitang ito ay concerned lang sa isang bagay: DAPAT PANTAY.
Halimbawa, may tatlong bata, magkakaiba sila ng height: maliit, katamtaman at matangkad. Gusto nilang manood ng basketball, pero may bakod. Si matangkad, nakikita na niya ang laro. Sina maliit at katamtaman, walang makita. Gumawa sila ng paraan—naghanap ng matutungtungan. Nakahanap sila ng tatlong case o lalagyan ng bote ng beer na pwedeng tungtungan. Ano ang parehas? Tig-iiisa sila. Sila namang tatlo ang nakahanap, lahat sila may karapatan, di ba? Pero ano ang patas? Dalawa kay maliit, isa kay medium, at wala kay matangkad. Equality and concern nila: pantay-pantay. Pero hindi naman sila talaga magkakapantay. Ang tunay na equality na gusto nila, bilang magkakaibigan ay makapanood silang lahat. Ah, hindi na equality ang tawag doon sa Ingles, kundi EQUITY. Ang PATAS, kung minsan, parang hindi parehas.
Ganito rin ang isyu sa parable na ating narinig sa ating Gospel reading ngayon: ang kuwento ng mga trabahador na pinagtrabaho sa ubasan. May nagcomplain. Bakit naman ganyan? Hindi kayo patas. Bakit pare-pareho lang ang pinasahod ninyo sa amin, e maaga kaming nag-umpisa at buong araw nagtrabaho. Ang iba sa kanila tanghali na nagsimula, ang iba hapon na, at meron pa ngang isang oras lang gumawa. Ta’s pare-pareho kami ng tinanggap? Unfair naman kayo.
Sabi ng amo: hindi kita dinadaya; iyon naman ang pinagkasunduan natin at legal na pasahod sa isang araw ng trabaho, di ba? Naiinggit ka ba dahil generous ako sa iba? Dahil binigyan ko sila ng konsiderasyon? Palagay ko may hirit pa ang nagko-complain: bakit sa kanila lang kayo generous? Hindi ba pwedeng ipantay ninyo ang konsiderasyon ninyo sa lahat? Di ba pwedeng SANA ALL?
Ah, ito ang mentalidad na tinutumbok ng parable: ang tinatawag sa Ingles na SENSE OF ENTITLEMENT: karapatan. Entitled ka sa tamang sahod sa tinrabaho mo. Pero tatawagin mo rin bang karapatan ang magdemand ng bonus? Parang sinasabi ng amo, “Di ba’t ako ang may karapatan sa desisyon ko kung sino ang bibigyan ko ng extrang konsiderasyon?”
Noong taon na tumira ako ng one year sa Holy Land, sa Jerusalem, minsan nadaan ako sa isang lugar malapit sa Damascus Gate ng old City, kasama ko ang isang kaklase. May nakita akong maraming mga tao na nakatayo, may hawak na karatula at may nakasulat: karpintero, tubero, mason, electrician, welder, atbp. Sabi ng classmate ko, “Iyan ang background doon sa parable tungkol sa mga workers na iba’t ibang oras nakuha para magtrabaho.” Buong akala ko tumatambay lang sila doon; naghahanap pala ng oportunidad na makapagtrabaho.
Palagay ko hindi rin alam ng amo noong una, kaya lagi niyang sinasabi, “Bat ba kayo tatayo-tayo lang diyan?” Ang nagpabago sa pananaw niya ay iyung kinuha niyang huli. “Ba’t ba kayo tumatambay lang?” Sinagot siya, “Hindi po, sir. Kanina pa po kami rito, wala pong kumuha sa amin.” Wow, 5pm na, hindi pa sila gumi-give up, baka sakali, kahit isang oras lang na trabaho, may kitain pa rin sila. Hindi naman sila nag-eexpect ng buong araw na sahod.
Minsan, mukhang parehas lang sitwasyon, pero hindi pala patas. Oo parehas na requirement—college graduate, fluent in English. Pero palagay mo ba, parehas lang nilang ituturing ang may Ateneo o De la Salle diploma doon sa graduate ng Pamantasan ng Culi-Culi? Parehas lang ba nilang ituturing ang English na tama naman pero may Visayan accent, doon sa may American accent?
May ganyang pelikula noon tungkol sa unang black women na nagtrabaho sa NASA bilang researchers, mathematicians at scientists. Required din sila na pumasok na well-dressed at high heeled ang shoes. Nakikilala na rin ang talino nila. Pero siyempre, disadvantaged na agad ang pagiging black at pagiging babae nila. “Hidden Figures” ang pamagat ng pelikula. Minsan, nasita ng boss ang leader ng researchers—dahil nagtatagal siya sa toilet breaks at coffee breaks. Unfair daw siya sa mgakapwa empleyado. Noon lang naglakas ng loob magsalita ang babaeng itim: “Kasi ho, kailangan kong lumakad nang four blocks away para makahanap ng ‘toilet for colored people’. At lahat ng kapehan dito sa building ay ‘for whites only’. Kaya tatakbo ulit ako nang malayo nanaka-high heels para uminom ng panis na kape.” Natauhan ang boss; akala niya parehas ang sitwasyon ng mga trabahador niya; hindi pala patas. Kaya inalis na ang segregation.
Hindi na equality kundi equity ang issue kapag sinabi natin, “you have to level the playing field.” Kaya may kasabihan, “All people are equal but some are more equal than others.” Gusto natin parehas lang pero madalas makalimutan natin hindi patas ang lipunan. Madalas mapaboran ang malakas, sikat, may koneksyon, kakulay, kamaganak, katropa.
Sa kaharian ng Diyos, iba ang criteria ng parehas at patas. Parang magulang sa mga anak. Hindi naman laging pare-pareho ang ibibigay sa mga anak dahil hindi naman pare-pareho ang sitwasyon at pangangailangan nila. Kung may kalamay, parehas ka kung pare-pareho ang putol mo sa kalamay para sa limang anak mo, parehas pero hindi patas. Sa mga Hudyo, si Yahweh ay Diyos daw na walang favoritism. Sa Deut 10: 17-18, sinasabi, “Pinapanigan niya ang mga balo at ulila, mga migrante at mga dehado sa lipunan…” So may pinapaboran din pala siya? OO, yung dukha, nahuhuli at nasasantabi. Kasi, patas siya.
May kuwentong Hudyo tungkol sa dalawang magkapatid: pinamanahan ng parents nila ng lupa, pero hindi ito hinati. Trabahuin daw nila at maghati na lang sila sa pakinabang. Pareho silang farmer. Ang panganay ay tumandang binata. Ang bunso ay nag-asawa at may limang anak. Napagkasunduan nila, 50-50 ang hatian sa pakinabang. Minsan isang gabi, di makatulog si panganay, iniisip ang kapatid na bunso. Nakukunsensya siya, “Marami ang anak ng kapatid kong bunso, mas malaki ang pangangailangan niya. Pero alam ko ma-pride yun, baka magtalo pa kami. Mamayang gabi pag tulog na sila, maglilipat ako ng 20 kaban sa kamalig niya.” Paggising niya, nagulat siya—hindi nabawasan ang palay niya. Parang nadagdagan pa nga. Iyun pala, pareho sila ng iniisip ng kapatid niya. Hanggang minsan isang gabi, nagkasalubong sila. Noon nila naintindihan kung bakit parang hindi nababawasan ang kani-kanilang kamalig. At naiyak sila at nagyakapan. Sa dilim ng gabi at sa kutitap ng mga bituin, ang Diyos Ama sa langit ay nakatanaw, maligaya sa nakitang pagmamahalan ng magkapatid.”
Ang daming nagbabago kapag nagkasalubungan ang mga tao sa malasakit, hindi na sa usapin lang ng parehas, kundi sa usapin ng patas.