330 total views
Ito ang nakikitang solusyon ni Lingayen-Dagupan Archbishop Emeritus Oscar Cruz sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan lumalabas na 41-porsiyento lamang ng mga Katoliko sa buong bansa ang nagsisimba tuwing araw ng Linggo.
Ayon Archbishop Cruz, dapat mas palakasin at bigyan ng pansin ang apostolado ng pamilya at buhay sapagkat dito nagsisimula ang paghubog at pagsasabuhay ng mga gamapanin ng isang tunay na Katoliko.
“Ang pinakamahusay yung family life apostolate. Ito po ang dapat pagtibayin sapagkat ito talaga ay sumesentro sa tatay, sa nanay at sa mga anak at ito po ay makakatulong talaga sapagkat malaki ang impluwensya niya. One immediate attention should be given to family life apostolate” pahayag ni Archbishop Cruz sa Radio Veritas
Tinukoy ng arsobispo na sa kasalukuyan ay maraming ka-kompetensiya ang pagsisimba kabilang na ang modernong teknolohiya na naging dahilan ng pagiging “Linggo ng libangan” ng dapat sanang Linggo ng pangilin.
“Sa mga panahon pong ito ang dami-daming libangan. Noong panahon namin, mayroon bang text, mayroon bang Facebook, mga puntahan sa beaches etc? Wala po eh, kaya bahay lang at saka simbahan. Marami pong masyadong libangan at parami ng parami yan kaya pahirap talaga ng pahirap na sabihan ang tao na magsimba muna kapag Linggo. Marami pong kalaban ang pagsisimba tuwing linggo,”pahayag ni Archbishop Cruz.
Batay sa survey ng S-W-S, pinakamarami sa dumadalo sa banal na pagtitipon tuwing linggo ay mula sa Iglesia ni Cristo na may 90-porsiyento, sinundan ng Muslim na may 81-porsiyento habang 71-porsiyento naman ang Kristiyano at pinakamababang porsiyento ang nakuha ng mga Katoliko na 41-percent.
Malinaw namang nasasaad sa katuruan ng Simbahang Katolika na ang pangingilin sa araw ng linggo at pistang pangilin ay pagsunod sa ikatlong utos ng Diyos.