24,330 total views
Hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mga mambabatas na isulong ang mga programang magpapatatag sa mga pamilya sa halip na isulong ang diborsyo.
Ito ang panawagan ng obispo kasunod ng pag-usad ng House Bill 9349 o absolute divorce bill sa pangunguna ni Albay lawmaker Edcel Lagman na isa sa mga pangunahing may akda ng panukala.
Binigyang diin ni Bishop Uy na dapat magtulungan ang bawat sektor ng lipunan upang higit mapagtibay ang samahan ng mga pamilya na pundasyon ng isang mapayapa at nagbubuklod na pamayanan.
“I urge members of Congress to reconsider the proposed divorce bill and instead focus on promoting policies and programs that support marriage, strengthen families, and protect the well-being of all members of society. Together, we can build a society founded on love, compassion, and respect for the sacred institution of marriage,” pahayag ni Bishop Uy sa Radio Veritas.
Mariin ang paninindigan ni Bishop Uy sa pagsasabatas ng diborsyo dahil ito ay malinaw na paglabag sa katuruan ng simbahan.
Sinabi ng obispo na bilang punong pastol ay tungkulin nitong itaguyod ang mga turo ni Hesus at ipagtanggol ang kasagraduhan ng sakramento ng pag-iisang dibdib.
“As the Bishop of Tagbilaran, it is my duty to uphold the teachings of Jesus and defend the sanctity of marriage, which is a sacred union between a man and a woman. The proposed divorce bill goes against these foundational principles and poses serious risks to individuals, families, and society as a whole,” giit ni Bishop Uy.
Tinuran ni Bishop Uy na malinaw na lalabagin ng panukalang diborsyo ang turo ni Hesus na kahalagahan ng commitment, pagpapatawad at pagkakasundo na magpaptibay sa pagsasama ng mag-asawa.
Bukod pa rito ang hindi magandang epekto sa mga bata na ayon sa pag-aaral kadalasang nakararanas ng emotional distress, academic difficulties at iba pa.
“A society that values strong, stable families is a thriving society. Divorce weakens the fabric of society by eroding the foundation of the family unit. It leads to social fragmentation, increased poverty, and a host of other societal ills. By promoting divorce, we are contributing to the breakdown of social cohesion and the erosion of moral values,” saad ng obispo.
Tinuran ni Bishop Uy na may ibang pamamaraan upang matugunan ang suliranin sa pagsasama ng mag-asawa tulad ng annulment o declaration of nullity sa halip na diborsyo.
Gayundin ang marital counseling para sa mga mag-asawa upang matugunan ang kanilang suliranin at matulungang maghilom at muling magkasundo.
“There are existing legal remedies, such as annulment or declaration of nullity, that address cases of abuse or invalid marriages without resorting to divorce. These processes provide a way for individuals to seek justice and protection within the framework of marriage, without undermining the institution itself,” sabi pa ni Bishop Uy.
Una nang ibinahagi ng Alliance for the Family Foundation Philippines Inc o ALFI sa kanilang pag-aaral sa mga bansag may diborsyo ay patuloy na dumadami ang kaso ng paghihiwalay tulad sa Amerika na naitala ang 50 porsyentong paghihiwalay ng mga mag-asawa sa first marriage; 60 porsyento sa second marriage; at 70 porsyento sa third marriages.
Mariin ang paninindigan ng simbahan laban sa diborsyo na magpapahina sa pundasyon ng pamilya sa halip ay iginiit ang kasagraduhan ng kasal na ayon sa ebanghelyo ni San Mateo kabanata 19 talata anim ‘Hindi na sila dalawa kundi iisa, kaya’t ang pinagsama ng Diyos ay huwag paghiwalayin ng tao.