658 total views
Ipataw ang karagdagang buwis sa mga mayayamang kompanya, negosyo at indibidwal na gagamitin sa pagbangon ng ekonomiya at pagbabayad ng utang ng Pilipinas.
Ito ang apela ng Freedom from Debt Coalition (FDC) sa pamahalaan matapos i-ulat ng Bureau of Treasury (BoT) na umabot sa 12.79-trilyong piso ang ipinasang utang ng administrasyong Duterte sa administrasyong Marcos.
“Kasi ang ililigtas nila hindi lamang ang bayan at ekonomiya kungdi ang sarili nila, delikado din ang sitwasyon nila kapag lumobo ang krisis kapag sumabog ng husto ang krisis sa utang tatamaan din ang mga negosyo nila,”pahayag ni Rene Ofreneo sa panayam ng Radio Veritas
Inihayag ng National President ng F-D-C na napapanahon ng ipabatid sa mga malalaking kompanya ang kahalagahan ng wealth tax.
Inihayag ni Ofreneo na isang hamon sa pamahalaan ang paglutas sa suliranin sa utang na lalung pagpapalala ng krisis sa ekonomiya na dulot ng pandemya at digmaan.
Pinayuhan naman ni Elijah San Fernando – Vice-president ng FDC ang administrasyong Marcos na palakasin ang local na sektor ng ekonomiya sa halip na dagdagan pa ang utang panlabas ng bansa.
Tinukoy ni San Fernando ang pagpapalakas ng produksyon ng ibat-ibang produkto higit ang suplay ng pagkain, panunumbalik sa pamahalaan ng pamamalakad sa mga serbisyo ng kuryente, tubig, tranportasyon, health care at mga produktong petrolyo.
Nanindigan ang FDC na kailangang isulong ng pamahalaan ang people’s economy.
Ang naitalang 12.79-trillion pesos na outstanding debt ng Pilipinas ay katumbas ng 115-libong pisong utang ng bawat Pilipino.
Sa liham ng ipinadala ng Kaniyang Kabanalang Francisco sa International Monetary Fund at World Bank ay ipinanawagan nito ang pagbabawas ng international banks sa utang ng mga pinakamahihirap na bansa upang maibsan krisis pang-ekonomiya na dulot ng COVID-19 Pandemic.