166 total views
Ito ang tatlong aspeto na tinututukan sa Programang Pangrehabilitasyon ng Diocese ng Caloocan sa mga indibidwal na sangkot sa ipinagbabawal na gamot.
Ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David, magkakaroon ng after care ang mga recoveries kung saan patuloy ang pagtitipon ng kanilang mga support group sa tulong ng mga Professional Counsellors upang matiyak na hindi babalik sa iligal na gawain.
Bukod sa mga recoveries, sasailalim din sa counselling ang pamilya nito dahil naniniwala ang Obispo na ang paghilom ay hindi lamang sa taong nalulong sa iligal na droga kundi maging sa Pamilya at Komunidad na kinabibilangan.
Tiniyak ng Diocese ng Caloocan na magpatuloy ang pagtugon sa mga indibidwal na sangkot sa ipinagbabawal na gamot na nagtapos sa rehabilitation program.
“Yun ang after care so pagkatapos ng graduation kailangan imimeet nila yung kanilang support group at mayroong counsellors na magmomonitor sa kanila for the after care to make sure na walang relapse at siyempre kasama sa mga counsellings, families nila kasi ang healing dito hindi lang sa individual hindi lang dun sa pasyente kundi sa family at ang pinaghuhusay pa namin yung involvement of the community.” bahagi ng pahayag ni Bishop David sa Radio Veritas.
Nilinaw ng obispo na kaisa ang Simbahang Katolika sa layunin ng administrasyong Duterte na alisin ang iligal na droga sa bansa ngunit iginiit na dapat sa tamang pamamaraan at pairalin ang due process sa mga sangkot na indibidwal.
Noong ika – 11 ng Hunyo isinagawa ang 3rd CARROTS SALUBONG Completion rites sa Caloocan City Hall kung saan 276 na mga recoveries ang nagtapos sa Rahabilitation Program sa pakikipagtulungan ng simbahan at lokal na pamahalaan.
Sumailalim sa counselling, spiritual renewal at maging livelihood programs ang ibinahagi sa mga recoveries na makatutulong sa kanilang tuloy-tuloy na pagbabago.
Tiniyak naman ni Caloocan City Mayor Oscar Malapitan na mas palalawakin ang programang pangrehabilitasyon sa lunsod at hinihikayat nito ang mga may kamag-anak na sangkot sa ipinagbabawal na gamot na sumailaim sa libreng programang pangrehabilitasyon.
Samantala, tumangging magbigay komento si Bishop David hinggil sa muling pagkakatalaga ni Senior Superintendent Chito Bersaluna ang dating hepe ng Caloocan police na tinanggal sa puwesto dahil sa kontrobersiyal na pagkakapaslang kay Kian Lloyd Delos Santos na kinasangkutan ng Police Caloocan.
Si Bersaluna ay itinalagang hepe ng Bulacan Provincial Police Office.