61,958 total views
Mga Kapanalig, itigil ang patayan!
Ito pa rin ang panawagan ng mga human rights groups at mga samahang naniniwala sa halaga ng buhay at diginidad ng tao. Dalawang taon kasi mula nang matapos ang administrasyong Duterte, na kilala sa madugong war on drugs, patuloy pa rin ang patayan sa mga komunidad sa ilalim ng kampanya kontra droga.
Batay sa datos ng UP Third World Studies Center, may mahigit 600 na drug-related killings na naitala mula nang manungkulan si Pangulong Bongbong Marcos Jr noong Hunyo 2022. Sa mga unang pahayag ni PBBM, sinabi niyang ipagpapatuloy niya ang kampanya kontra droga ngunit mas bibigyang-pansin daw ang rehabilitasyon at pagtulong sa mga drug personalities. Sa harap ng nagpapatuloy na pagdanak ng dugo sa mga komunidad, nananawagan ang Amnesty International sa gobyernong maglabas ng “explicit and categorical policy” na itinitigil na ang war on drugs. Dapat na raw tuldukan ang mga patayan. Mahalaga ang malinaw na pagpapahinto sa madugong kampanya kontra iligal na droga. Ayon sa Human Rights Watch, ang pagkabigo ng administrasyong Marcos Jr na aksyunan ang patuloy na karahasan ay nagpapalakas ng loob ng ibang opisyal ng pamahalaan, katulad ni Davao City Mayor Sebastian Duterte, na buhayin ang madugong kampanya kontra droga.
Patuloy din ang panawagan para sa hustisya ng mga pamilyang naulila dahil sa war on drugs. Ayon kay dating Senador Antonio Trillanes IV, lumapit na raw ang International Criminal Court (o ICC) sa mahigit limampung kasalukuyan at retiradong opisyal ng Philippine National Police (o PNP) kaugnay ng mga pagpatay. Paliwanag ng dating senador, kasama ang mga opisyal sa iimbestigahan ng ICC sa crimes against humanity na ipinaparatang kay dating Pangulong Duterte. Titingnan ang papel ng mga pulis sa kaso ng mga pagpatay sa war on drugs. Kung hindi raw sila makikipagtulungan sa imbestigasyon, maaari silang ituring na mga suspek.
Hindi itinanggi o kinumpirma ni PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo na lumapit na ang ICC sa mga pulis. Gayunpaman, naninindigan daw ang PNP na gumagana ang judicial system sa ating bansa, at ito lamang ang kinikilala ng kapulisan bilang may jurisdiction sa mga kasong kaugnay ng mga sinasabing pang-aabuso ng mga pulis sa pagpapatupad ng war on drugs. Nananatiling mailap ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng pagpatay sa ilalim ng giyera kontra droga ni dating Pangulong Duterte. Pinalalakas nito ang loob ng mga patuloy na pumapatay sa ngalan ng pagsugpo sa iligal na droga.
Sa gitna ng patuloy na pagyurak sa dignidad ng tao, patuloy din ang paninindigan ng Simbahan: “Huwag kang papatay.” Ang mga taong bahagi ng kanilang buhay ang droga ay mga nilikha ng Diyos at may hindi matatanggal na dignidad. Makasalanan sila gaya nating lahat, ngunit walang maliw ang pagmamahal ng Diyos para sa atin. Katulad ng sinasabi sa Roma 8:38, walang anuman ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ng Diyos. Walang kasalanan, kahit gaano kabigat, ang makapagbubura ng katotohanang kamahal-mahal tayo sa mata ng Diyos.
Kaugnay nito, binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan na hindi magiging realidad ang isang makatarungang lipunan hangga’t may mga taong yinuyurakan ang kanilang dignidad. Kaya malaking hamon para sa pamahalaan at sa lahat ng mananamplatayang protektahan at itaguyod ang dangal ng tao. Dapat nang matigil ang pagdanak ng dugo at walang saysay na karahasan sa ngalan ng kampanya kontra iligal na droga.
Mga Kapanalig, ipinaaalala ni Pope Francis sa Catholic social teaching na Fratelli Tutti na mali ang pagpatay. Hindi lamang dahil hindi ito katanggap-tanggap o dahil may karampatan itong kapurasahan. Ito ay dahil yinuyurakan nito ang katotohanang bawat isa sa atin ay may dignidad. Itigil ang patayan!
Sumainyo ang katotohanan.