978 total views
Mga Kapanalig, siyam na araw ang inilaan ng mahigit-kumulang 300 katutubong Dumagat-Remontado sa kanilang “alay-lakad” upang tutulan ang Kaliwa Dam. Kasama ang iba pang mga environmental groups at mga magsasaka’t mangingisda, payapa silang naglakad mula sa bayan ng General Nakar, Quezon Province patungong Malacañang. Ginawa nila ito upang kunin ang atensyon ng mga kinauukulan na ipahinto ang konstruksyon ng naturang dam. Panganib daw ang dala nito sa buhay, kabuhayan, at tahanan ng libu-libong residente at mga katutubo.
Ang Kaliwa Dam ay ang proyekto ng dating administrasyong Duterte na naglalayong tugunan ang kakulangan ng suplay ng tubig sa Kamaynilaan. Ito man ay sinasabing mapakikinabangan ng mga nasa Metro Manila, ilalagay nito sa panganib ang maraming uri ng mga halaman at hayop na nananahan sa Sierra Madre. Mawawalan ang maraming katutubo ng kanilang ancestral land o lupang ninuno, kabuhayan, at kultura. May posibilidad din ng pagbaha sa mabababang lugar malapit sa pagtatayuan ng Kaliwa Dam. Balot din ng kontrobersya ang proseso ng pagkuha ng Free Prior and Informed Consent ng National Commission on Indigenous Peoples (o NCIP) at ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (o MWSS) mula sa mga katutubo.
Kaya naman ang isinagawang alay-lakad ay panawagan ng mga katutubo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na pag-isipan ang proyekto. Sa kasamaang palad, matapos ang hirap at pagod mula sa siyam na araw na paglalakad sa ilalim ng tirik na araw, lamig ng hangin, at ulan, bigo ang mga katutubong makaharap si PBBM.
Hindi ipinagkakait ng mga katutubo ang kanilang yamang-tubig. Ngunit malinaw ang hiling at panawagan ng mga katutubo: hindi dapat magdulot ng panganib sa mga lokal na residente ng Rizal at Quezon ang paglutas sa krisis sa tubig sa Metro Manila. Hindi rin dapat maging dahilan ang proyekto ng pagkasira ng kagubatan sa Sierra Madre na nagsisilbing lungs o baga ng Luzon at sumasangga sa dumadaang mga bagyo. Kung susumahin ang lahat ng pinsalang idudulot ng pagpapatayo ng Kaliwa Dam, masasabi bang sulit ang 12.2 bilyon pisong utang ng Pilipinas sa Tsina na babayaran ng bawat Pilipino sa loob ng maraming taon? Mahalagang suriin at pag-isipan ng bawat isa sa atin ang dalang pangmatagalan at negatibong epekto ng Kaliwa Dam. Walang halaga ng pera ang makatutumbas sa yaman ng kalikasan at kultura ng ating mga kapatid na katutubo.
Mga Kapanalig, ating pakinggan sa halip na husgahan ang hinaing ng mga katutubong Dumagat. Imulat natin ang ating mga mata sa mga isyung kinahaharap nila. Katulad ng sinabi ni Pope Francis sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, bilang isang komunidad, mayroon tayong obligasyong tiyakin na ang bawat tao ay nabubuhay nang may dignidad at may patas na oportunidad para sa kanyang kabuuang kaunlaran.3 Hindi natin tinututulan ang mga pagsisikap na makakuha ng sapat na tubig para sa mga lungsod at komunidad, ngunit maaari naman itong mangyari nang walang ginigipit na mga katutubo. Maaari itong gawin nang may paggalang sa kanilang mga karapatan at kapaligiran. May mga alternatibong mapagkukunan ng suplay ng tubig nang hindi napapahamak at nagagambala ang buhay ng mga residente sa kanayunan. Tanungin natin ang ating sarili kung kailangan bang may mawalan ng kabuhayan at kultura para lang mapunan ang ating mga pangangailangan katulad ng tubig.
Mga Kapanalig, ang sakripisyong ginawa ng mga kapatid nating katutubo sa kanilang alay-lakad ay hindi lamang para sa kanila. Para ito sa marami pang Pilipino, at para sa susunod na henerasyon. Gaya ng paalala sa Kawikaan 31:9, ipagtanggol [natin] ang karapatan ng mga mahihirap at nangangailangan. Hindi maaaring wala tayong malasakit sa nagdurusa’t naghihirap, sapagkat bilang Kristiyano, mayroon tayong responsibilidad para sa lahat ng mga mahihina at naisasantabi, silang dapat bigyan ng espasyo sa lipunan.
Sumainyo ang katotohanan.