31,169 total views
Pinuri ng development at advocacy arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court hinggil sa pagpapalaya kay dating Senador Leila de Lima.
Ayon kay Caritas Philippines president, Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, maituturing na tagumpay sa pananaig ng batas ang naging desisyon kay de Lima na halos pitong taong nakulong dahil sa maling paratang hinggil sa ilegal na droga.
Sinabi ni Bishop Bagaforo na ito’y nagsisilbi ring paalala upang patuloy na ipaglaban ang katarungan sa bansa lalo na sa libo-libong mahihirap na biktima ng kawalang katarungan.
“Senator De Lima’s release is a step in the right direction. But we must do more to ensure that justice is served for all Filipinos, regardless of their social status or political affiliation,” pahayag ni Bishop Bagaforo.
Nanawagan din ang obispo sa pamahalaan na siyasating mabuti at papanagutin ang dahilan ng maling pagkakapiit kay de Lima, maging ang iba pang political prisoners.
Nobyembre 13 nang pinahintulutan ng Muntinlupa RTC si de Lima na magpiyansa ng nagkakahalaga ng P300,000, gayundin ang iba pang akusado na sina dating Bureau of Corrections chief Franklin Bucayu, dating driver-body guard Ronnie Dayan, police asset Jose Adrian Dera, at security aide Jonnel Sanchez.
“We must hold accountable those who have abused their power and trampled on the rights of our fellow Filipinos,” ayon kay Bishop Bagaforo.
Patuloy na naninindigan ang Caritas Philippines kasama ang human rights group upang tuluyan nang mahinto ang pang-uusig sa mga political prisoner, at matiyak na ang bawat Pilipino ay makakamit ang katarungan.
Una nang nagpahayag ng suporta hinggil sa paglaya ni de Lima sina CBCP President, Kalookan Bishop Pablo Virgilio David; Novaliches Bishop-emeritus Teodoro Bacani, Jr.; at CBCP-Public Affairs Commission executive secretary Fr. Jerome Secillano.