213 total views
Hinimok ni San Fernando, La Union Bishop Daniel Presto ang mga mananampalataya na isabuhay ang adbokasiya at pag-uugaling nais ituro sa mga tao ng programang Earth Hour.
Ayon sa Obispo sa pamamagitan ng maliliit na hakbang ay nababago ang pag-uugali ng mga tao na waldas sa paggamit ng kuryente at iba pang likas na yaman ng mundo.
Paliwanag ni Bishop Presto na ang Earth Hour ay gawaing pakikiisa sa kalikasan at sa simpleng pagpapatay ng mga kagamitang labis na kumokonsumo ng kuryente ay nakatutulong na ang mamamayan sa pagpapanatili ng enerhiya ng mundo.
“Sa little practice na ito ng Earth Hour ay mag-iiba ng attitude sa atin sa mga maliliit na bagay na pwede nating ma practice sa ating tahanan office, school kung saan ay pwede nating ma bawasan ang konsumo ng kuryente,” bahagi ng pahayag ni Bishop Presto sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ng Obispo na sa pamamagitan ng pakikiisa ng kanilang buong Diyosesis sa Earth Hour ay nabibigyang diin din ang kanilang pagtutol sa Coal Fired Power plant na planong itayo sa kanilang lugar.
Sinabi ni Bishop Presto na sa pagtitipid sa kuryente ay nababawasan ang konsumo ng maruming enerhiyang mula sa coal.
Sa halip na magpatuloy sa paggamit at pagtatayo ng mga planta ay mas mabuting unti-unti nang lumipat ang bansa sa paggamit ng renewable energy.
“Ang sinasabi namin sa aming manifesto ay gumamit tayo ng mga natural, yung renewable energy katulad nga ng paggamit ng solar and so on. Ang coal fired power plant ay maaring makasisira sa ating kalikasan at sa ating sarili sa kalusugan natin,” ayon pa kay Bishop Presto.
Panawagan ng Obispo sa publiko na magtipid, hindi lamang sa kuryente kun’di maging sa ang iba pang likas na yaman ng mundo tulad ng tubig at pagkain.
Ayon kay Bishop Presto ang pagtitipid at maayos na pangangasiwa sa yaman ng kalikasan ay hindi lamang dapat gawin ngayong Earth Hour dahil mahalagang isinasabuhay ito sa araw-araw.
“Pagtitipid ang isang hinihikayat sa atin Kaya ako po ay nananwagan sa inyo sa ngalan ng Radio Veritas na nawa ay maisagawa natin itong Eath Hour hindi lang ngayong march 30 kun’di sa mga darating pang pagkakataon maging attitude sana natin ang pagtitipid sa paggamit ng kuryente bilang pakikiisa natin sa kalikasan,” panawagan ng Obispo.
Ang Earth Hour ay inisyatibo ng grupong World Wide Fund for Nature-isang international non-government organization na nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan.
Taong 2007 nang unang isagawa ang programa sa Sydney Australia, at 2008 naman nang ilunsad ito sa Pilipinas.
Ngayong ika-30 ng Marso, ipagdiriwang ang ika-12 taon ng Earth Hour.
Noong 2018 umabot sa 188 mga bansa ang nakiisa dito at mahigit 17, 900 mga institusyon at establisyimento kabilang na ang mga simbahan, ang nakiisa sa pagpapatay ng kuryente.