17,802 total views
Umaasa ang Kanyang Kabanalan Francisco na tuluyang mawakasan ang mga karahasang nangyayari sa mga bansa sa Middle East at iba pang bahagi ng daigdig.
Ito ang mensahe ng santo papa sa kanyang Angelus sa Vatican sa unang Linggo ng Agosto.
Labis na ikinalungkot ng pinunong pastol ng simbahang katolika ang sinapit ng mga inosenteng indibidwal lalo na ang kabataan na naiipit sa kaguluhan kasabay ang panalangin ng kapayapaan.
“I follow with the greatest concern what is happening in the Middle East, and I hope that the conflict, already terribly bloody and violent, will not spread further. I pray for all the victims, especially the innocent children, and express my closeness to the Druze community in the Holy Land and to the populations in Palestine, Israel and Lebanon. Let’s not forget Myanmar,” bahagi ng pahayag ni Pope Francis.
Batay sa pinakahuling update sa giyera sa pagitan ng Israel at Hamas, muling naglunsad ng pang-atake ang Israel sa mga eskwelahang nagsisilbing kanlungan ng Palestinian sa Gaza City na kumitil ng 17 indibidwal habang daan-daan ang mga nasugatan.
Ini-ulat naman ng Iran’s Islamic Revolutionary Guard Corps na napaslang si Ismail Haniyeh ang nagsilbing pinuno ng Hamas militant group sa labas ng kanyang tahanan.
Sa datos ng Statista Research mahigit isanlibong Israeli na ang nasawi sa digmaan habang mahigit 35-libo namang Palestinian.
Patuloy ang panawagan ni Pope Francis na isulong ang pakikipagdayalogo tungo sa pagkakasundo para sa kapakinabangan ng mga mamamayan sa buong mundo.
“We must have the courage to resume dialogue so that the fire in Gaza may cease immediately and, on all fronts, hostages should be freed, humanitarian aid should be given to the people,” ani Pope Francis.
Una nang nakiisa ang simbahang katolika sa Pilipinas sa mga mamamayang biktima ng digmaan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig at dalangin ang kapanatagan gayundin ang kaligtasan mula sa kapahamakang dulot ng karahasan.