1,337 total views
Gamitin ang pananampalataya sa Panginoong Hesukristo upang mapagtagumpayan ang anumang hamon sa buhay at ang suliranin ng kahirapan.
Ito ang naging paanyaya ni Taytay Palawan Bishop Broderick Pabillo at ni Sangguniang Laiko ng Pilipinas President Jun Cruz sa mga mananampalataya sa kapistahan ng Mahal na Poong Hesus Nazareno.
Ayon kay Bishop Pabillo, nawa ang mga deboto at iba pang mananampalataya ay higit pang pag-ibayuhin ang kanilang pananalig sa Panginoon upang patuloy na mapukaw na gumawa ng mabuti para sa kapwa.
“Hindi nanghina ang debosyon ng mga tao, patuloy tayong kumapit kay Hesus na Poong Nazareno, maraming hamon ang hinaharap natin ngayong bagong taon, nandiyan palagi ang kahirapan sa buhay ng marami, Huwag lang sana manghina ang ating tiwala sa Diyos, nakikiisa si Hesus sa kahirapan natin, dnadala niya ang ating krus, kahit na nadadapa tumayo tayo tulad ni Hesus, kaya sa mga deboto ng Poong Nazareno, mas lalo tayong kumapit kay Hesus. Hindi niya pababayaan ang mga pusong nagmamahal sa kanya,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Panalangin naman ni Cruz ang patuloy na paghahari ng Mahal na Poong Hesus Nazareno sa puso ng bawat isa.
Ito ay upang magkaroon ng sapat na lakas ng loob at inspirasyon na ipagpatuloy ang pamumuhay sa kabila ng mga pagsubok.
“Sana’y ang pagtatampok natin sa Krus ni Hesus, masagot ang mga panalangin ng ating mga kababayan at tugunan ang mga panga-ngailangan lalo na nung mga naghihirap. Ipagdasal din natin na maghari si Hesus sa ating bayan at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakasakit ay mahilom ang mga sugat ng ating lipunan,” ayon naman sa pinadalang mensahe ni Cruz sa Radio Veritas.
Noong 2021, naitala ng Philippine Statistics Authority na umabot sa mahigit 20-milyon ang Pilipinong kabilang sa pinakamahihirap na sektor ng lipunan.
Habang noong 2022 ay labis na naranasan ang mga suliranin sa ekonomiya katulad ng mataas na inflation rate na dulot pa rin ng pandemya na sinabayan ng digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.