320 total views
Mga Kapanalig, noong nakaraang linggo lamang, muling naglabas ng pahayag-pastoral ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP tungkol sa parusang kamatayan o death penalty.
Kung maalala ninyo, nakahain pa lamang noon sa Kongreso ang panukalang batas patungkol sa pagpapanumbalik ng parusang kamatayan. Sa Senado, may isang mambabatas pang nagsabing hindi daw maipagkakaila na kahit sa Bibliya, binibigyang karapatan ang pamahalaang ipatupad ang parusang kamatayan. At sa patanggap ni Hesus nang buong puso sa kanyang pagpapakasakit at kamatayan sa krus, maaari daw isiping maging ang Panginoon ay sumang-ayon sa pagpapatupad nito. Nagkataon lamang daw na inosente si Hesus sa mga paratang sa kanya, kaya hindi daw makatarungan ang pagpapatupad nito.
Hindi po sang-ayon ang Simbahang Katolika sa ganitong pananaw. Sa kanilang pinakahuling sulat-pastoral, sinabi ng ating mga obispong hindi kailanman sinang-ayunan ni Hesus ang anumang pagpatay na naaayon sa batas. Inihalimbawa nila ang pagtatanggol ni Hesus sa babaeng nakikiapid laban sa mga ibig pumaslang dito dahil ito ang isinasaad ng batas ng mga Hudyo. Hinamon sila ni Hesus na maunang pumukol ng bato ang sinumang walang kasalanan sa kanila.
Ang hiling ng mga obispo sa sinumang gumagamit sa Bibliya upang ipagtanggol ang parusang kamatayan, unawain ang Banal na Kasulatan bilang “umuunlad na pagpapahayag ng Diyos ng kanyang kalooban sa sangkatauhan, na ang huling kaganapan ay si Hesu-Kristo.” Naparito si Hesus sa mundo upang ganapin ang Kautusan, hindi upang ipawalambisa ito.
Noong unang araw ng Marso naman, kung kailan ginunita nating mga Katoliko ang Miyerkules ng Abo, idinaan lamang ng Mababang Kapulungan sa “viva voce voting”, o pagboto base lamang sa palakasan ng boses, ang pagpapatibay sa panukalang magbabalik sa parusang kamatayan sa ikalawang pagbasa. Sa bersyon ng panukalang batas ng Kamara, tanging mga kaso lang na may kinalaman sa iligal na droga ang maaaring patawan ng parusang kamatayan. Hindi na ibinilang ang iba pang krimen katulad ng rape, plunder at treason upang tiyakin umanong mananalo ang panukalang batas na ito sa botohan.
Ayon sa CBCP Pastoral Statement, ang pagsang-ayon sa panukalang batas na ito ng mga mambabatas na may markang krus na abo sa kanilang mga noo ay isang kabalintunaan o paradox! Ang krus na nagsilbing pagpapahayag ng pananampalataya nila sa Diyos ang siyang pagpapaala rin ng paanyayang pagtupad sa mga kautusan ng Diyos, kabilang na ang paninindigan para sa kasagraduhan ng buhay. Tanong ng mga obispo, “Nakalimutan na kaya nila kung ano ang kahulugan ng krus na iyon?”
Hindi nagbabago ang pananaw ng Simbahang Katolika tungkol sa parusang kamatayan. Una, naninindigan itong marami nang mga pag-aaral ang nagsasabing hindi nakahahadlang sa paggawa ng karumal-dumal na krimen o heinous crimes ang parusang kamatayan. Sa mga nais talagang gumawa ng masama, hindi deterrent ang death penalty.
Ikalawa, hindi tunay ang katarungang nakabatay sa retribution o ang paniwalang kung buhay ang nilapastangan, buhay din dapat ang kapalit. Ngunit sa pagpapataw ng kaparusahang kamatayan na itinuturing ng ibang taong makatarungan, hindi ba’t ipinagpapatuloy lamang natin ang kultura ng kasamaan? Ano nga bang kabayaran ang makukuha ng biktima at ng kanyang pamilya kundi karahasan din?
Ikatlo, naniniwala tayo sa pagbabagumbuhay o rehabilitation. Naniniwala at umaasa ang Simbahan na ang lahat ng nagkasala ay may kakayahang mapagsisihan ang kanyang nagawa, gaano man iyon kasama, at makapagpasyang magbago.
Bilang pagtatapos, hayaan n’yo pong ibahagi ko sa inyo ang isang maikling talata hango sa pinakahuling pahayag-pastoral ng CBCP tungkol sa death penalty. “Hindi tayo bingi sa hinaing ng mga biktima ng mga karima-rimarim na krimen…. Sa mga may sala, alok namin ang isang hamong magsisi at panumbalikin ang dating kaayusan na ngayon ay nagambala bunga ng kanilang kasalanan. Sa nagdadalamhating mga biktima, handog namin ang aming pag-ibig, habag at pag-asa.”
Patuloy po tayong manindigan laban sa death penalty.
Sumainyo ang katotohanan.