263 total views
Lubhang mapanganib sa mamamayan kung patuloy na balewalain ng pamahalaan ang hinaing ng iba’t ibang sektor sa lipunan.
Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, napakahalagang matugunan ng pamahalaan ang mga usaping nakakaapekto sa buhay ng bawat Filipino.
Tinukoy ng Obispo ang kasalukuyang pasanin ng mamamayan bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa dulot na rin sa ipinatupad na reporma sa pagbubuwis na nagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo.
“The TRAIN Law has made everything expensive and that is very dangerous things if the Government do not listen to the pleas of the people.” pahayag ni Bishop Bastes sa Radio Veritas.
Iginiit ng Obispo na labis ang epekto nito sa mahihirap na sektor sa lipunan at sa mga taong napapabayaan.
Sinabi ni Bishop Bastes na mahalagang kumilos na ang lipunan sa pangunguna ng pamahalaan na malutas ang mga suliraning nakakaapekto sa Ekonomiya ng Bansa.
Sa inilabas na pag-aaral ng Philippine Statistics Authority noong Hunyo, naitala ang 5.2 porsiyentong pagtaas ng inflation rate sa bansa dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin kung saan nangunguna dito ang mataas na presyo ng mga produktong pang-agrikultura tulad ng mais at palay.
Sa kabila ng ulat ng pamahalaan na pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamabilis na paglago ng ekonomiya sa Asya mataas pa rin ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho.
Nagbabala din ang IBON Foundation na tataas ang presyo ng bigas sa panukalang “Rice Tariffication” o pag-alis sa itinakdang limitasyon o “Quantitative Restriction” sa mga angkat na bigas at pagpataw ng 35-percent tariff sa rice import.
Sa pananaliksik ng IBON Foundation, mahigit sa 4 na milyon bukod pa dito ang mahigit 5 libong araw-araw umaalis sa bansa upang makipagsapalaran sa ibang bansa.
Patuloy naman ang Simbahang Katolika sa paggawa ng mga hakbang upang makatulong sa bawat mamamayan sa bansa tulad na lamang ng pagbibigay ng libreng pagsasanay upang makahanap ng disente at maayos na pagkakakitaan lalo na ang mga mahihirap sa lipunan.