77,785 total views
Ipinagpapasalamat ng kinatawan ng Santo Papa Francisco ang pagtuloy na paglago ng pananampalataya ng mga Filipino.
Ito ay sa pamamagitan ng mga tradisyunal na debosyon lalo na ang Traslacion ng Poong Hesus Nazareno na ipagdiriwang ang pista bukas, January 9.
Ayon kay Papal nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown, ang mga deboto ay kayamanan ng simbahan sa patuloy na pananalig sa Panginoon.
Ipinaliwanag ng arsobispo na bagama’t ang mga deboto ay hindi karaniwang mananampalataya na makikita sa mga parokya tuwing araw ng Linggo, mararamdaman ang kanilang pag-ibig sa Panginoon sa kanilang debosyon.
“But this gives them a link to their faith in a way of exhibiting and manifesting their faith,” ayon kay Archbishop Brown sa programang Pastoral visit on-the-air ng Radyo Veritas.
Sa loob ng tatlong taong pananatili sa bansa, ito ang kauna-unahang pagkakataon na masasaksihan ng nuncio ang pista ng Traslacion ng Poong Hesus Nazareno na ilang taong ipinagpaliban dulot ng pandemya.
Dagdag pa ng arsobispo, “Steam it, appreciate it. Sure elevate it, try to purify but with great respect, and never really criticize them from my perspective … because it’s the faith of the people.”
Inihayag ng kinatawan ng Vatican na tungkulin ng simbahan na gabayan at hubugin ang mananampalataya tungo sa kanilang paglago sa pananampalataya.
Una na ring ipinahayag ng arsobispo ang mayamang tradisyon ng pananampalataya ng mga Filipino na makikita rin at ipinagdiriwang ng mga Filipino community sa iba’t ibang bansa tulad ng pamimintuho sa Nazareno, Santo Nino at Birhen ng Peñafrancia.
Sa kasaysayan, tinatayang umaabot na 20 milyong ang mga debotong nakikiisa sa ‘Traslacion’ kung saan naitala rin ang pinamatagal na prusisyon na umaabot ng 22 oras taong 2012.