3,888 total views
Labis na ikinabahala ni Borongan Bishop Crispin Varquez ang patuloy na operasyon ng pagmimina sa makasaysayang Homonhon Island sa Guian, Eastern Samar.
Ayon kay Bishop Varquez, ang pananatili ng mga mining company sa isla ang tuluyang pipinsala hindi lamang sa mga likas na yaman, kun’di maging sa kaligtasan ng mga apektadong pamayanan.
“We are very much disturbed by the escalated mining operations in our beloved historical island of Homonhon… Their immediate and negative effects on the communities and the natural environment are very alarming,” pahayag ni Bishop Varquez.
Higit 500-taon na ang nakakalipas nang maging bahagi ang Homonhon Island sa makasaysayang pagdating ng Kristyanismo sa Pilipinas makaraang dumaong ang grupo ni Ferdinand Magellan sa isla noong Marso 16, 1521.
Panawagan naman ni Bishop Varquez sa mga kinauukulan na pag-aralang mabuti ang mga proyekto ng pag-unlad at tiyaking hindi ito mag-iiwan ng malaking pinsala sa kalikasan at buhay ng mga tao.
Iginiit ng Obispo na dapat higit na isaalang-alang ng pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng nakararami bago pahintulutan ang mga malalaking proyekto.
“We call on our government leaders and concerned agencies to take action on this matter,” ayon sa Obispo.
Naunang kinondena ni Borongan Social Action Director Fr. James Abella sa panayam ng Radio Veritas ang pagmimina sa Homonhon na nakakaapekto na sa hanapbuhay ng mga magsasaka at mangingisda.
Sa kasalukuyan, ang TechIron Resources, Inc., Emir Mineral Resources Corp., King Resources Mining Corp., at Global Min-met Resources, Inc. ang apat na mining company na nagsasagawa ng operasyon sa Homonhon Island.