7,299 total views
Nananawagan ng tulong at panalangin si Lipa Archbishop Gilbert Garcera para sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Kristine sa lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Archbishop Garcera, mahalaga ang pagtutulungan ng bawat isa upang muling makapagbigay ng pag-asa sa mga lubhang nasalanta ng nagdaang sakuna.
“Ako po’y patuloy na nagdarasal para sa ating lalawigan, sapagkat matapos na masalanta tayo ng bagyo, maraming naghihirap at maraming nangangailangan ng dasal. Sa ngayon po ako’y humihingi ng tulong sa inyo, lalo na sa mga kapatid nating nasalanta ng bagyo… Ipagpatuloy po natin ang magandang gawain ng isang Batanggenyo, nagtutulungan, nagbabahaginan, at nagdarasal para sa lahat,” pahayag ni Bishop Garcera.
Batay sa huling situation report ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission (LASAC), umabot na sa 43 katao ang nasawi sa lalawigan, kung saan ang bayan ng Talisay ang pinakaraming bilang ng nasawi na umabot sa 17 katao, sinundan ng 10 sa Laurel, at siyam naman sa Agoncillo.
Nasa apat na katao naman ang naiulat na nasugatan, habang patuloy pa ring pinaghahanap ang 22 iba pang nawawala.
Sa kasalukuyan, pansamantalang nanunuluyan sa 277 evacuation centers sa iba’t ibang bahagi ng Batangas ang halos 13,000 pamilya o higit 44,000 indibidwal.
Samantala, nagsagawa naman ng Banal na Misa ang mga kawani at volunteers ng social arm ng Arkidiyosesis ng Lipa bilang paggunita sa mga nasawi mula sa sakuna, gayundin para sa mga patuloy na naglilingkod at tumutulong sa mga biktima, at para sa kaligtasan at katatagan ng lahat sa kabila ng kinakaharap na pagsubok.
Inaasahan namang magpapadala ng food packs at non-food items ang Caritas Manila bilang karagdagang tulong para matugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang nasa evacuation centers.