424 total views
October 1, 2020-11:56am
Kinilala ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang tungkulin ng frontliners na hinarap ang panganib sa paglilingkod sa bayan sa kabila ng nararanasang pangkalusugang krisis dulot ng Covid-19.
Ayon kay Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, malaki ang ginagampanan ng mga medical at service frontliners sa kampanyang sugpuin ang paglaganap ng corona virus sa lipunan.
“Hindi naman talaga makakakilos ang simbahan, ang gobyerno kung walang frontliners, talagang sila yung nagtataya ng kanilang sarili at nalalagay sa panganib kaya’t mahalaga rin na ipagdasal sila [frontliners],” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Sa huling datos ng Department of Health nasa pitong libong medical frontliners na ang nagpositibo sa COVID-19 kung saan 31 na ang nasawi.
Libo-libo na ring mga service frontliners lalu na mula sa hanay ng mga pulis at sundalo na katuwang sa pagpapatupad ng kaayusan sa buong bansa ang hindi rin nakaligtas mula sa pagkahawa sa sakit.
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang mananamapalataya na hingin ang tulong ng mga banal, lalo na kina San Lorenzo Ruiz at San Pedro Calunsod na kapwa mga Filipinong Santo upang maging tagapamagitan ng sambayanan sa kinakaharap na krisis dulot ng COVID-19.
Giit ng obispo, mahalagang hingin sa Diyos ang tulong upang mapanatiling ligtas ang bawat isa mula sa nakahahawang sakit.
“Kailangan natin ang ibayong tulong na galing sa langit, mula sa Diyos at maging sa ating mga Filipino saints [San Lorenzo at San Pedro Calunsod] na pangalagaan tayo kasi nandiyan lagi yung panganib, na hindi tayo magpatalo sa takot at malampasan natin ang anumang krisis ng buhay,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.