490 total views
Pamahalaan, hinamong itaguyod ang kapakanan ng mga katutubo
Nais ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na maipahayag, makilala, mapangalagaan at maitaguyod ang karapatan ng mga Indigenous Cultural community sa bansa.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Vice Chairman ng CBCP–Episcopal Commission on Indigenous Peoples at Kalibo Bishop Jose Corazon Tala-oc, sa paggunita sa Indigenous Peoples’ Sunday at pagtatapos ng Season of Creation sa bansa.
Ayon kay Bishop Tala-oc, ang mga katutubo sa ating bansa ay kadalasang pinagkakaitan ng karapatan kahit na kinikilala at nakasaad sa Indigenous Peoples Rights Act (IPRA).
“We would like to express and recognize, protect and promote the rights of our Indigenous cultural communities. However, we also know our brothers and sisters in the communitites are deprived of all these benefits kahit na ito ay recognized ng law in the Philippines, ng IPRA,” pagninilay ni Bishop Talaoc.
Sinabi ng obispo na hindi man lamang dumadaan sa maayos na pakikipag-usap sa mga katutubo ang mga malalaking kumpanya bago isagawa ang mga proyekto tulad na lamang ng pagmimina.
Ikinalulungkot ni Bishop Talaoc na mas pinagtutuunan pa ng pansin ang pagpapaunlad sa ekonomiya na makaaapekto sa mga katutubong naninirahan sa mga kabundukan at kagubatan, sa halip na tingnan ang masamang epekto nito.
“Wala man lang consultation at times magsagawa ng dam. Minsan pinayagan ang pagmimina and the hope for economic development, pero hindi tinitignan ang karanasan o ang sitwasyon ng ating mga katutubo,” ayon sa obispo.
Hinikayat naman ni Bishop Tala-oc ang mga namumuno sa bansa na kilalanin at pahalagahan ng mga ito ang mga lupaing ninuno ng mga katutubo maging ang pagkilala sa mga ambag nito lalo na sa kultura ng bansa at pangangalaga ng kalikasan.
Nasasaad sa Laudato Si ni Pope Francis na ikinalulungkot nito ang sapilitang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang mga lupain upang makapagsagawa ang mga makapangyarihang kumpanya ng pagmimina at abusuhin ang iba pang likas na yaman ng kanilang lupain.