932 total views
Umapela ang Diyosesis ng Malaybalay, Bukidnon sa mga nangyayaring pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng mga lumad sa kanilang mga lupaing ninuno.
Sa liham pastoral na nilagdaan nina Malaybalay Bishop Noel Pedregosa at Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma, inihayag dito ang panawagan sa mga opisyal ng lalawigan at mga ahensya ng pamahalaan na pagtuunan ang kalagayan ng mga pamayanan ng mga lumad.
Nakasaad sa liham ang patuloy na paglabag sa karapatan ng mga lumad na sapilitang pinapaalis sa kanilang mga lupaing ninuno at nakakaranas ng mga pagbabanta sa kanilang mga buhay.
“The full narrative about their struggles has been veiled with disinformation and aggravated with twisted facts leading to the incarceration of their tribal leaders. Threats have also been made to the families that have been dislocated. The community is now at a loss over the disruption of their livelihood and out of fear for their lives,” bahagi ng liham.
Ginawa ng diyosesis ang pahayag kaugnay sa mga naganap na usapin hinggil sa karapatan sa lupaing ninuno na higit na nakaapekto at nagpaalis sa daan-daang pamilya mula sa pamayanan ng mga lumad sa Bukidnon.
Sa Pilipinas, naiulat na mula taong 2016 ay umabot na sa 98 ang kabuuang bilang ng mga naging biktima ng extrajudicial killings (EJK); 160 ang biktima ng frustrated EJK; 227 mga katutubo ang ilegal na inaresto, kinulong, at dinukot; at 27 naman ang naiulat na nakaranas ng labis na pagpapahirap.
“This dire situation should not be allowed to continue in our province of Bukidnon, the homeland of numerous indigenous people communities,” ayon sa pahayag.
Naunang hinikayat ni Pope Francis sa kanyang Laudato Si’ ang mamamayan na pagtuunan at pangalagaan ang mga katutubong komunidad laban sa pang-uusig at pang-aabuso mula sa malalaking kumpanya na nais gamitin ang mga lupaing ninuno para sa hangarin ng pag-unlad.
Courtesy of Fr. Reynaldo Raluto