409 total views
Patuloy na sundin ang mga ipinatutupad na safety health protocol ng mga eksperto bilang patuloy na proteksyon laban sa COVID-19.
Ayon kay Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio – Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, bagamat mayroon ng mga bakuna ay dapat pa ring patuloy na maging maingat ang bawat isa lalo na’t wala pa ring natutuklasang lunas sa nakahahawa at nakamamatay na sakit.
Paliwanag ng Obispo, makatutulong ang patuloy na pagsunod sa mga ipinatutupad na panuntunan sa pagsusuot ng facemask, face shield, physical distancing at regular na paghuhugas ng kamay bilang pag-iingat na mahawa o makahawa ng virus.
Ipinaliwanag din Bishop Florencio ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mamamayan upang maprotektahan ang bawat isa.
“What we need to do talaga ay we need to have the prudence sa mga ginagawa natin at saka sa maintaining of the protocols kasi for the meantime yun lang po siguro ang makapagbibigay sa atin ng lunas [proteksyon laban sa COVID-19] for the meantime, hindi naman natin iniisip na walang katapusan ito, mayroong katapusan but in the meantime na hindi natin alam kung kailan darating na katapusan, we need to maintain itong tinatawag ng mga expert na protocol itong mga face shield, face mask, distancing, and washing continue washing of hands.”pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Kaugnay nito, nanindigan ang mga eksperto na mahalaga ang mga ipinatutupad na safety health protocol sa publiko kabilang na ang palagiang pagsusuout ng face shield at face mask bilang proteksyon laban sa COVID-19.
Bukod sa pagsunod sa mga ipinatutupad na mga safety health protocol eksperto, ay suportado rin ng Simbahang Katolika ang anti-COVID-19 vaccine roll-out ng pamahalaan.
Batay sa pinakahuling tala ng Department of Health, nasa 6-milyon na ang nabakunahan sa buong bansa kung saan kinakailangang mabakunahan ang nasa 70-milyong mga Filipino upang makamit ang herd immunity laban sa COVID-19.