274 total views
Kada-daan lamang ng isa na namang super typhoon sa ating bayan. Milyong-milyong tao na naman ang naapektuhan, at milyong milyong halaga ng mga produkto na naman ang napinsala. Isa sa mga imahe na naging matingkad nitong nakaraang bagyo ay ang panaghoy ng isang ginang na nabaha na naman ang tahanan sa San Mateo Rizal. Anya, ganito na rin nangyari sa kanila noong dumaan ang Ondoy. Bakit paulit-ulit na lang?
Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank, ang pagbaha ay isa sa mga key vulnerabilities ng ating bansa. Ayon pa dito, tinatayang mga 176,000 na tao ang karaniwang ma-a-apektuhan at mga $625 milyon ang halaga ng mga pinsala kada taon dahil sa pagbaha.
Madalas ang pagbaha sa ating bayan dahil tayo ay isa sa mga cyclone-prone na bansa sa buong mundo. Daanan talaga ang ating bayan ng mga bagyo at dahil dito, mas madalas at mas mabigat ang pag-ulan sa atin, kumpara sa ibang bansa. Ang mga pag-ulan na ito ang pangunahing salik ng mga pagbaha.
Kaya nga lamang, ang key vulnerability na ito ay parang sugat na mas lumalalim at di gumagaling dahil na rin sa mga gawain ng tao. Isang halimbawa ay ang patuloy na pagkakalbo ng mga bulubundukin sa ating bansa. Ang mga natural na watershed areas gaya ng Marikina Watershed ay patuloy pa ring nasisira dahil sa pamumutol ng puno pati na ng quarrying. Ang watershed na ito ay nagbibigay proteksyon laban sa pagbaha sa National Capital Region pati na sa probinsya ng Rizal.
Isa pa sa mga dahilan ng pagbaha sa maraming lugar ng ating bayan ay ang mga pagbabago sa land-use at zoning ng maraming mga syudad. Ang mga natural na daluyan ng tubig ay naharangan na ng iba ibang istraktura. Ang mga baybayin ay naging pabahay na. Ang mga dating katawang tubig ay natabunan na.
Ang mga pangyayaring ito ay nagpapalala ng mga epekto ng climate change, na siya namang nagdudulot ng mas malalakas na ulan at bagyo sa ating bayan. Kung hindi natin bibigyan pansin ang mga salik na ito, paulit ulit talaga ang mga pagbaha sa ating bayan, at mas lalala pa ito sa kalaunan.
Ang malimit na pagbaha sa maraming lugar sa ating bayan ay ebidensya na mali at kulang ang ating mga tugon sa mga bulnerabilidad ng ating bayan. Sa halip na mabawasan natin ang pinsala ng mga bagyo at iba pang sakuna sa bayan, umuulit ulit lamang ito at mas nadadagdagan pa.
Ayon kay Pope Francis sa Laudato Si, ang climate change ay isang moral issue. Ang climate change ay resulta ng gawain ng tao, gaya din ng pagkalbo ng mga kabundukan, pagbara ng mga natural na daluyan ng tubig, at ng kakulangan sa mga polisiya at aksyon na mangangalaga ng kalikasan. Ang pagpapatuloy nito ay kasalanan hindi ba, kasalanan na nakakapinsala at nakamamatay. Hahayaan na lamang ba natin na paulit-ulit ito?
Sumainyo ang Katotohanan.