1,394 total views
Nagbabala ang Commission on Elections (COMELEC) kaugnay sa mga botante na sadyang paulit-ulit na nagpaparehistro na isang election offense o paglabag sa batas.
Ayon sa opisyal na pahayag ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, labag sa batas ang paulit-ulit na pagpaparehistro na may kaukulang parusa na pagkakakulong ng isa hanggang sa anim na taon.
Pagbabahagi ni Garcia may Automated Fingerprint Identification System (AFIS) na ginagamit ang ahensya upang matukoy at masuri kung ang isang botante ay rehistrado at kabilang na sa kanilang opisyal na listahan ng mga botante o multiple registrant ba ang mga ito na may paulit-ulit na rehistro.
Paliwanag ng opisyal sakaling mahuli at mapatunayan ang multiple registration ng isang botante ay tatanggalin ito sa listahan ng mga botante sa bansa at maaari ding kaharapin ang kasong may kaugnayan sa election offense.
“Meron po kaming AFIS, ‘yun pong Automated Fingerprint Identification System na ikinacounercheck po namin kung ang isang botante ay registered na before or multiple registrant ba ‘yan… ‘pag napatunayan namin, patatanggal namin ‘yung registration, at the same time pwede pong maharap ng kasong election offense. Isa hanggang anim na taong pagkakakulng ‘yun pong botante na gagawa po noon.” Ang bahagi ng babala ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia.
Samantala, patuloy naman ang pawagan ng COMELEC sa mga eligible voters na samantalahin na ang nalalabing araw ng voters registration sapagkat hindi na ito palalawigin.
Bagamat nagtapos na ang Register Anywhere Project ng COMELEC sa ilang piling mall sa bansa noong ika-22 ng Enero, 2023 ay nagpapatuloy naman ang Satellite Voter Registration ng COMELEC hanggang sa ika-31 ng Enero, 2023.
Nasasaad sa Repubic Act (RA) No. 11935 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtatakda ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa huling araw ng Lunes sa buwan ng Oktubre o sa ika-30 ng Oktubre ng kasalukuyang taon.