171 total views
Nakapamahagi na ng paunang P1.6 milyon ang Simbahang Katolika sa pamamagitan ng NASSA Caritas Philippines sa mga nasalanta ng Super Typhoon Lawin kamakailan.
Ayon kay Jing Rey Henderson, senior communications officer ng NASSA-Caritas Philippines, nagbigay sila ng P400,000 sa Apostolic Vicariate of Tabu sa Kalinga para ipambili ng relief goods o food packs.
Nasa P1.2 milyon naman ang naibigay ng samahan sa Isabela partikular sa anim na munispyo nito bilang tulong para sa shelter repair kits at iba pang livelihood inputs.
“Nung nakaraang linggo nagbigay tayo ng P400,000 sa Apostolic Vicariate of Tabuk sa Kalinga, kagabi sa Isabela nagbigay tayo ng P1.2 milyon sa anim na munispyo sa Tumauini, Deflin Albano, Sta. Maria, Cabagan, Santo Tomas at San Pablo, mostly sa kanilang food packs at na-distribute na sa Kalinga, then mga shelter repair kits at ibang livelihood input para sa Isabela,” ayon kay Henderson sa panayam ng Radyo Veritas.
Nilinaw naman ni Henderson na ito ay paunang tulong lamang ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng pondo ng Alay Kapwa habang inaalam pa sa kasalukuyang assessment ang iba pang pangangailangan ng mga biktima ng bagyo.
“Paunang tulong lamang ng Simbahan sa pamamagitan ng Alay Kapwa fund hindi dito nagtatapos ang tulong na ginagawa natin, sa mga diocese hindi pwede tayo basta-basta magbigay ng tulong nang hindi alam kung ano ang pangangailangan nila,” ayon pa kay Henderson.
Sa pananalasa ng Super Typhoon Lawin, mahigit sa 105,000 indibidwal mula sa 6 na rehiyon sa Luzon ang naapektuhan habang nasa higit P10-Bilyon ang halaga ng mga nasira sa agrikultura at imprastraktura.